Yaman hindi lalago kung paghahati-hatiin “
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - May 22, 2020 - 12:00am

Hindi mo maisasabatas na sumagana ang maralita sa pamamagitan ng pag-alis ng kasaganahan sa maykaya. Ang tinanggap ng tao na di galing sa trabaho ay ipagtatrabaho ng iba nang walang matatanggap. Para bigyan ng gobyerno sinuman ng anuman, kukunin niya muna ito sa iba. Hindi mapapalago ang yaman sa paghahati-hati nito. Kapag inisip ng kalahati ng tao na di na sila kailangan magtrabaho dahil aalagaan sila ng natirang kalahati, at naisip ng huli na walang saysay magtrabaho dahil iba ang makikinabang, ‘yan ang simula ng katapusan ng anumang bansa.”

Winika ‘yan ni Baptist pastor at konserbatibong manunulat Adrian Rogers, 1931-2015. Sinuri niya ang iba’t ibang plataporma de gobyerno ng mga partidong politikal. At nabatid niyang mababaw at peligroso sa lahat ang mga naghahangad ng pagkakapantay-pantay sa yaman. Nauuwi lang ito sa pagkakapantay-pantay sa karalitaan at pagka-api. Sa halip dapat ay pagkakapantay-pantay sa oportunidad: edukasyon; serbisyo ng gobyerno sa kalusugan, pabahay, at kabuhayan; at pagkakataong mahalal.

Sa Pilipinas ginawang libre mula elementary hanggang college. Pero palamuti lang. Mababa ang kalidad ng edukasyon sa public schools. Lamang pa rin ang may pera pang-tuition sa mamahaling pribado.

Sa serbisyo, iba na ang “maykapit”. Una sa pila sa pagpapagamot. May bahay malapit sa trabaho. Madaling makautang ng pangnegosyo.

Kontrolado karamihan ng probinsiya at lungsod ng political dynasties. Sila-sila lang sa pamilya ang nahahalal, sa pamamagitan ng salapi. Ang mga paksiyon nila ang nagkakatrabaho o negosyo sa pier at airport, kapitolyo o city hall, ospital, plaza, mall, atbp. Sa katiwalian at sistemang patron, nananatili sila sa poder. Sumasanib na lang ang iba pa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

SAPOL
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with