^

PSN Opinyon

Ito na ang sagot sa tanong

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

ETO na ang opinyon na sasagot sa tanong ng bayan. Para manahimik na ang mga nagbabalik-balikan ng salita tungkol sa pagpasok ng mga armadong pulis sa mga residential building, tulad ng nangyari sa Pacific Place Towers sa The Fort kamakailan. Ang sabi naman ng Taguig mayor, karapatan daw yun ng pulis kung may nilalabag na patakaran ukol sa COVID-19. 

Ayon kay dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, dapat may arrest o search warrant ang mga pulis bago sila makapasok sa tahanan. Dagdag pa niya na saklaw ang mga bakuran, driveway at common area ng condominium bilang bahagi pa rin ng tahanan ng mga residente doon. Hindi ko naman alam kung makikinig ang gobyerno sa pahayag ni Carpio. Marami ang nakaaalam na hindi gusto ng administrasyong ito ang dating mahistrado.

Pero ito rin ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang naganap ang insidente sa Pacific Place Towers. Sinundan naman ito ng insidente sa Dasmariñas Village, Makati sa pagitan ng pulis at dayuhang residente. Sa cell phone video, makikitang pinagmumumura ni Javier Salvador Parra si Sgt. Roland Madrona dahil sa pagsita sa kasambahay na walang face mask, habang nagdidilig. Makikitang sa driveway nakatayo si Parra habang nasa kalsada naman si Madrona. Sinubukang arestuhin ni Madrona dahil sa pagmumura at pag-insulto ni Parra sa kanya. Pero pumasok sa bahay nang bitawan siya ni Madrona.

Nahaharap na sa ilang kaso si Parra. Iniimbestigahan na rin ng Bureau of Immigration kung dapat siyang i-deport bilang “undesirable alien”. Ipinagtanggol din ang kilos ni Madrona at sinabing puwedeng arestuhin si Parra dahil may naganap na ngang krimen, ang pagmumura sa isang taong may otoridad pati na rin ang paglabag sa ECQ. Walang suot na mask rin si Parra habang nakikipagtalo kay Madrona. Malinaw naman na pinalaki ni Parra ang insidente. Sinita lang ni Madrona ang kasambahay na walang facemask at may kasama umanong multa na P1,000. Ngayon nahaharap na sa ilang kaso at baka mapaalis pa sa bansa. Pero kung nasa loob pa rin ng tahanan ang kasambahay, batay kay Justice Carpio, paglabag na ba ito sa ECQ?

Mabanggit ko lang na kailangang ikumpara ang mga insidenteng ito, kung saan ilang tao lang ang sinisita, sa naganap na malinaw na mass gathering sa Batangas. Nasa ilalim pa ng ECQ ang lugar, bawal ang ganyang pagtitipon. Maraming walang mask. Walang sinita o inaresto o sinigawan ng pulis, dahil ang gobyerno mismo ang namuno sa pagtitipon. Ang alam ko’y bawal ang mass gathering pero mukhang depende yata kung sino ang lumalabag. Hayy.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with