Kinidnap ni Lolo (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - March 15, 2020 - 12:00am

Isa sa mga elemento ng krimen ng kidnapping o serious illegal detention sa ilalim ng batas (Art. 267 Revised Penal­ Code) ay ang kinulong, kinuha at sapilitang tinanggalan­ ng kidnapper ng kalayaan ang kanyang biktima at sa pag­gawa ng krimen, ang biktima ay isang menor-de-edad o bata. Ito ang mga elementong dapat patunayan ng prosekusyon ng walang pag-aalinlangan kung hindi ay maaaring mapawalang-sala ang kidnapper. Ipinakikita ito sa kaso ni Lolo Karling Agcaoili na inakusahan ng kid­napping at serious illegal detention.

Ang kasong ito ay tungkol kay Ela, isang tatlong taong gulang at sampung buwan na bata at nag-iisang anak ni Joy Macasaet. Nakatira ang mag-ina sa isang bahay na kanugnog ng beauty parlor na pinamamahalaan ni Joy.

Ayon sa kuwento ni Joy na siyang tumestigo para sa prosekusyon, nangyari ang insidente bandang alas sais ng gabi nang nasa loob ng parlor si Ela at sinabi sa kanya na may matandang lalaki sa labas na nag-aalok na ibili siya ng saging at kahel o orange. Dahil nag-aasi­kaso noon sa isang customer, hindi pinansin ni Joy ang sinabi ng bata at inutusan ang anak na maupo lang sa likuran niya. Matapos ang ilang minuto ay napansin na ni Joy na nawawala ang anak.

Matapos magtanong at humingi ng tulong sa mga kapitbahay ay nagsumbong na si Joy sa mga pulis tungkol sa pagkawala ni Ela. Dalawang grupo ng kapulisan ang magkatuwang na naghanap sa bata gamit ang dalawang mobile patrol. Isang batang babae na ang pangalan ay Tricia ang nagsabi sa mga pulis na nakita niya si Ela na akay ng isang matandang lalaki na akala niya ay lolo nito. Papunta raw ang dalawa sa highway.

(Itutuloy)

 

ART. 267 REVISED PENAL­ CODE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with