Nabiktima ang misis (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - March 8, 2020 - 12:00am

Ang rape ay madalas na ginagawa ng pasikreto sa isang madilim o kaya ay liblib na lugar na walang tao at mahirap makita ng mapanghusgang mata ng kahit sino. Kadalasan din ay ang biktima lang ang nagsasampa ng reklamo at salita niya lang ang pagbabasehan ng pagkabilanggo ng akusado. Sa katunayan, ang salaysay ng biktima ang pinakaimportanteng kunsiderasyon sa krimen na ginawa. Pero ano ba ang dapat patunayan ng testimonya ng babaing biktima para siguradong makulong ang rapist? Ito ang tanong na sasagutin sa kaso ni Lian.

Isang saleslady sa isang sikat na department store si Lian. Kasal siya kay Joseph at may pitong-buwan silang sanggol na lalaki na si Ton-ton na nasa pangangalaga ng biyenan niyang babae na nasa kalapit probinsiya.

Isang pagkakataon na day-off ni Lian ay umuwi siya sa probinsiya para magdala ng gatas para sa anak na lalaki. Bumalik din ng Maynila si Lian noong hapon na iyon. Nang dumating siya ng Maynila bandang alas nuwebe ng gabi ay naisipan niyang dumaan sa bahay ng kapatid niyang babae para kumuha ng naiwan niyang gamit noong dalaga pa siya. Nang mag-asawa kasi siya ay lumipat na siya sa kabilang bayan kasama ng kanyang mister.

Habang naglalakad sa kalsada, napansin niya si Alan na nakasuot lang ng sandong puti. Binati siya at tinanong kung natatandaan pa siya. May hinahampas siyang bimpo sa kanyang balikat. May tatlong dipa lang ang layo niya sa lalaki nang makaramdam siya ng pagkahilo. Lumapit si Lian at sinabing magkamag-anak daw sila.

Tumawag ng taxi ang lalaki at tinabihan siya sa likuran. Inakbayan niya ang babae sa balikat sabay bulong “huwag kang magkamaling sumigaw, huwag kang mai-ngay”. Natakot si Lian lalo nang mapansin ang kutsilyong nakaumbok sa beywang ni Alan. Inilabas ni Alan ang patalim at inilagay sa bulsa ng pantalon.

Bumaba ang dalawa sa harap ng isang gusali na unang akala ni Lian ay bahay pero ang totoo ay isang motel pala. Pumasok sila na hindi binibitiwan ni Alan si Lian. Nang makapasok na sila sa loob ng kuwarto ay agad na isinalya ni Alan si Lian sa loob ng kuwarto at sa sobrang lakas ng pagtulak ay napahampas ang pobreng babae sa dingding. Sinubukan pa ni Lian na tumakbo palabas ng pinto pero agad na itong naisarado at naikandado ni Alan. Tinutukan siya ni Alan ng kutsilyo sa leeg sabay sabi “huwag kang magkamaling magwala ditto kung gusto mo na makawala ng buhay”.

Nagmakaawa si Lian pero hindi man lang natinag si Alan at ang sabi pa ay “pagbigyan mo lang ako sa gusto ko, makakauwi ka na ng bahay”. Pumalag si Lian at nakipaglaban para hindi magtagumpay si Alan sa gusto. Pero hindi natuloy ang pagtatalik nila dahil hindi tumayo ang ari ng lalaki. Kaya pinilit ni Alan si Lian na pag-initin siya hanggang sa magtagumpay na ang lalaki na mapagsamantalahan siya. Tinakot siya ni Alan na huwag mag-iingay sabay inakbayan ulit sa balikat palabas. Nang makarating sa kalsada ay pinatawid ni Alan si Lian sa kabila sabay iniwan na ang babae. Kaya paglingon ni Lian ay nawala na ang lalaki sa kanyang paningin.

Sa kabila ng kanyang kondisyon, nagawang makauwi ni Lian. Ipinagtapat niya sa mister na si Joseph ang masaklap niyang sinapit. Pareho silang napaiyak pero nagkasundo silang magsumbong sa National Bureau of Investigation (NBI) at pagkatapos ay sinuri ng isang medico-legal.

(Itutuloy)

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with