‘Sex change’ (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - March 1, 2020 - 12:00am

Ang kasong ito ay tungkol sa pagpapalit o pagtatama ng mga detalye sa birth certificate na hawak ng civil regist­er. Sa ilalim ng batas (Article 412 & 376 Civil Code in relation to RA 9048), ang mga itatama na pagka­kamali sa detalye ng birth certificate na hindi na kailangang dumaan pa sa korte ay ang mga tinatawag na typographical error/clerical error.

Pero ano nga ang mga ito? Kasama ba sa puwedeng palitan ang nationality, edad, estado o kasarian? Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ngayon.

Ang kasong ito ay tungkol kay Toni na ang mga magulang ay sina Mr. at Mrs. Santos. Ipinanganak siya na ang inilagay na pangalan sa birth certificate ay “Toni Gregorio” at ang kasarian ay lalaki. Pero mula pagkabata hanggang tumanda ay lagi niyang naiisip na siya ay babae at kumikilos bilang babae.

Lagi niyang kabarkada mula elementarya ay puro babae hanggang hayskul at kolehiyo. Ang pakiramdam niya ay isang babae siya na nakulong sa katawan ng lalaki. Kumunsulta siya sa iba’t ibang doctor at nagpasuri, sumailalim sa hormone treatment, breast augmentation at hanggang sa makapagpaopera ng ari (sex reassignment) sa ibang bansa.

Mula noon ay namuhay na bilang babae si Toni. Sa katunayan ay nakakuha pa siya ng doctorate degree sa ibang bansa at dapat ay ikakasal na sa isang lalaki. Engaged na sila, ika nga. Ang kulang na lang ay ang pagpapalit ng kasarian niya sa civil registrar. Kaya nagsampa si Toni ng petisyon sa RTC para palitan ang pangalan niya mula “Toni” ay maging “Tonia” at mula sa pagiging lalaki ay maging babae siya sa birth certificate.

Matapos ang kaukulang pagskedyul ng paglilitis ay dininig ang petisyon. Naisumite ang lahat ng dokumento (jurisdictional requirements) na hinihingi ng batas. Wala rin kumontra.

Isinalang na testigo si Toni at ang doctor na gu­mawa ng medical certificate tungkol sa kanyang sex reassignment. Naglabas ng desisyon ang korte. Pinayagan ang kahilingan ni Toni ayon na rin sa hustisya at pagkakapantay-pantay  ng tao, total daw ay walang mapipinsala sa komunidad at mabibigyan pa ng kaligayahan si Toni at ang kanyang mapapangasawa dahil matutupad ang kanilang pangarap. Pangatlo, walang ebidensiya o matibay na dahilan kung bakit hindi pagbibigyan ang petisyon.

Pero isinantabi ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC. Ayon sa CA ay wala pa tayong batas na pumapayag na palitan ang pangalan at kasarian sa birth certificate ng isang tao dahil lang sa sumailalim siya sa sex reassignment. Tama ba ang CA?

(Itutuloy)

BATAS RA 9048
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with