EDITORYAL-  Ninja cops dapat lang mamatay
EDITORYAL- Ninja cops dapat lang mamatay
(Pilipino Star Ngayon) - February 23, 2020 - 12:00am

Nararapat lang mamatay ang mga pulis na sangkot sa drug recycling o yung mga tinatawag na ninja cops. Ito ang sinabi ni President Duterte noong Huwebes nang magsalita sa graduation ng public safety officers sa Davao City. Ayon sa Presidente, ang mga pulis na nagre-recycle ng droga ay malaking banta sa susunod na henerasyon. Ang mga ito ang sisira sa kabataan. Kaya nararapat lamang mamatay ang mga pulis na pumapasok sa drug recycling. Huwag daw magkakamali ang mga ito at mamamatay talaga. Kahit daw hindi na siya ang Presidente, patuloy pa rin niyang hahabulin ang mga pulis na sangkot sa illegal drugs.

Ang ninja cops ang dahilan kung bakit bigo ang Duterte administration sa kampanya laban sa illegal na droga. Kahit araw-araw ay may nahuhuling drug pushers at nakukumpiskang kilu-kilo ng shabu, hindi pa rin malutas ang problema sa droga. Ito ay dahil sa drug recycling na ginagawa ng mga corrupt na pulis. Ang nakukumpiska nila ay ibabalik uli sa kalye.

Ang problemang ito ay inamin na noon ng Phi-lippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, mga corrupt na pulis at PDEA agents ang nagre-recycle ng droga. Ang mga nakukumpiskang shabu ay muling ibinabalik sa kalye at pinagkakaperahan ng mga tiwaling pulis. Ayon kay Aquino, masyadong talamak ang “recycling” ng droga.

Ang isyu sa ninja cops ang dahilan nang napaagang pagreretiro ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde noong nakaraang taon. Sangkot ang 13 tauhan niya sa recycling ng droga noong siya pa ang Pampanga police director. Nadawit siya sa kontrobersiya at hanggang ngayon ang isyu ay hindi pa rin mamatay-matay. Kinasuhan at nasibak na ang kanyang mga tauhan na sangkot sa drug recycling.

Marami pang matataas na police officials ang iniuugnay sa droga. Nasa kontrobersiya ngayon si Police Lt. Col. Jovie Espenido, ang poster boy ni Duterte sa paglaban sa illegal drugs. Nasa listahan umano si Espenido ng mga sangkot sa drug trade. Itinanggi ito ni Espenido at sinabing black propoganda lamang.

Bigo ang drug campaign ng pamahalaan dahil sa ninja cops. At ang solusyon ng Presidente ay dapat mabura sa landas ang mga pulis na ito. Kung ito ang inaakala niyang nararapat, gawin na agad. Mas maaatim pang makita na nakatimbuwang ang ninja cops kaysa makita ang mga kabataan na nasira ang buhay at kinabukasan dahil sa paggamit ng illegal na droga.

NINJA COPS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with