ABS-CBN: Simbolo ng kalayaan ng pamamahayag
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 23, 2020 - 12:00am

Napakaraming dumalo sa pagtitipon sa harap ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa Quezon City, nakasuot lahat ng puti, nagtitirik ng mga kandila sa altar ng Kalayaan sa Pamamahayag o press freedom. Mga empleyado, staff, mga artista at mga grupong determinadong bantayan ang isa sa pinakabasikong kalayaan sa ilalim ng isang demokrasya: Ang kalayaang magpahayag at kalayaang magsalita.

Matindi na ang pinagdaanan ng pamilya Lopez, ng ABS-CBN at ng buong Pilipinas, mas matindi pa sa mga kaganapan ngayon. Sa ilalim ng diktadurya ni dating Pa-ngulong Marcos at sa pagpataw nito ng martial law noong dekada 70, sinarado ang ABS-CBN sabay sa pagkatay sa kabuuan ng malayang pamamahayag ng media, at ng mamamayang takot. Parang nagliliyab na sunog sa gubat na tumagal ng 20 taon — na tila walang natirang tao, hayop o halamang buhay. Pero, mag delikado man ang kalikasan, hindi ito kayang tapusin ng nag-iisang anomalya na mistulang napakamakapangyarihan, pero hindi. Sa Australia kung saan tinupok ng isang kumalat na sunog sa kanilang kagubatan ang hindi maisip na lawak ng halamanan at bilyong hayop sa pinakahuling bilang, nagdalamhati ang mundo.

Pero lumalabas na ngayon ang mga balita at litrato ng imahe ng umuusbong nang mga luntiang sibol ng halaman mula sa itim na abo. Hindi matatalo o mapipigilan ang kalikasan.

Pero malinaw ang mga leksiyon sa kasaysayan. Para tayo ay makausad, kailangang matuto at gamitin ang natutunan. Para hindi na maulit ang trahedya sa Australia. Dito sa atin, para hindi na maulit ang nangyari noong martial law at maagaw ulit ang ating mga kalayaan at karapatan.

Walang idinedeklara na martial Law dito sa atin. Pero, ang mas masahol, walang deklarasyon pero iyon ang lumalabas na nagaganap. ABS-CBN ulit ang tampulan. Huwag sana malihis ang tingin. Pero itong maliit na apoy pangkalan ang simula ng halimaw na sunog na tutupok sa buong gubat..papatay sa ating demokrasya. Magtagumpay man ang mga balakin, ito’y hindi magtatagal. Makasugat man ang posibleng desisyong pampayaso — iyong walang lohika, basehan, respeto sa demokratikong pamamahala at sa mga gantimpala ng mahabang kasaysayan — ay hindi nakakamatay. Kumbaga, malayo sa utak ang mikrobyong ito. Alam n’yo ba kung ano ang magiging permanente na malilimbag sa lahat ng libro ng kasaysayan? Ang mga pangalan ng payasong tutulong na mangyari ang hindi dapat mangyari.

Hindi pa naman nagaganap. Maganap man, ang mundo ay hindi mananahimik. Kami rin ay di-mananahimik. Ang kalikasan ay hindi kayang pigilan. Ang kalayaan ng pamamahayag at pagsalita ay hindi maaaring payagang mabaon ulit sa lupa. At kung dahil lang sa ang ABS-CBN noong 1986 ang isa sa mga nanguna sa pagkabuhay muli ng kalayaan ng pamamahayag, at pagtaguyod ng ating mga karapatan pagkatapos ng 20 taon ng diktadurya at pagbusal sa mga katotohanan, panahon naman na tayo ang tumulong at sumuporta, magsigurado sa proteksyon sa kung ano ang sinisimbolo nito sa ating mga buhay bilang mga Malayang Mamamayan. #YesToABSCBNFranchiseRenewal #DefendPressFreedom

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with