EDITORYAL - ‘Pataynity’na naman
(Pilipino Star Ngayon) - February 22, 2020 - 12:00am

MAYROON na namang namatay dahil sa hazing sa fraternity. Sa kabila na mayroon nang batas Republic Act 11053 (Anti-Hazing Law) na ipinasa noong 2018, nananatili pa rin ang hindi makataong pagpapahirap sa mga bagong miyembro ng fraternity. Sa ilalim, ng batas, mahigpit na pinagbabawal ang hazing at iba pang bayolenteng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang katulad na grupo. Makakasuhan din ang eskuwelahan, leader ng fraternities, magulang at maging ang may-ari ng lugar kung saan naganap ang hazing.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang hazing. Nagpapakita lamang ito na wala pa ring ngipin ang batas ukol sa hazing. Marami pa ring miyembro ng fraternity ang walang takot at nagmistula nang berdugo sa oras ng initiation.

Panibagong biktima ang 23-anyos na Crimino­logy student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon. Namatay si Despabiladera noong Linggo dahil sa matinding pahirap sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isa pang kasamahan ng biktima ang nasa ospital dahil din sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Fraternity.

Ayon sa Sorsogon police, mahigit 20 miyembro ng Tau Gamma ang sangkot sa hazing. Dalawang miyembro na nagdala sa biktima sa ospital ang pinigil ng mga pulis para imbestigahan pero pinalaya rin. Hinahanap na ang iba pang mga miyembro ng Tau Gamma.

Sariwa pa ang pagkamatay ng UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng kanyang mga ka-frat noong Setyembre 2017. Bagama’t may hinatulan ng isang miyembro ng Aegis Juris fraternity na naging dahilan ng kanyang pagkamatay, siyam pang miyembro ang hindi pa nasesentensiyahan. Hindi pa rin ganap na natatahimik ang kaluluwa ni Atio at patuloy na naghahanap ng totoong hustisya. Hindi naman tumitigil ang kanyang mga magulang para lubusang mapanagot ang mga nasa likod ng karumal-dumal na hazing. Ginagawa umano nila ang lahat hindi lamang para sa anak kundi para rin sa iba pang biktima ng hazing.

Nararapat maipatupad ang batas ukol sa hazing. Ang kawalan ng ngipin ng batas ang dahilan kung bakit patuloy na nangyayari ang hindi makataong pagpapahirap. Maging mapagmatyag naman ang mga magulang sa aktibidad ng kanilang mga anak.

FRATERNITY HAZING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with