Mga korap sa BI, sibak!
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - February 22, 2020 - 12:00am

HINDI nakapagtimpi si President Digong sa natuklasang anomalya sa Bureau of Immigration (BI) kaya ura-uradang sinibak ang 19 na BI officials doon. Kung sabagay isang damakmak na Chinese ang nasa bansa ngayon ang nagtatrabaho sa mga online gaming corporations. Hindi na rin mabilang ang kidnapping na isinasagawa ng mga Chinese na ang karamihan sa kanilang mga biktima ay mismong mga kababayan nila. Sa Makati at ilang bahagi ng Metro Manila ay malawakan na rin ang operasyon ng mga Chinese sa prostitution kaya walang patid ang isinasagawang pagsusuyod sa mga lugar na pinaglulunggaan nila.

Halos lahat ng mga sinalakay ng kapulisan ay huli sa akto ang putahan na ginagawang casa ng mga Chinese na ang mga kababaihan dito ay mismong mga kababayan nila, maging ang mga Taiwanese at Russian at ilang Pinay ay nakakulong sa mga exclusive na hotel, bar at restaurant na front ng prostitution dens. Malaking dagok ito sa ating bansa dahil sira-sira tayo sa mga kabulastugan ng mga tusong Chinese sa mga illegal na aktibidades.

Ngunit papasaan ba ang kabulastugan at pamamayagpag nitong mga Chinese na ‘di maabot ng kapulisan? Si­yempre dahil kilala ang bansa natin sa paglutas ng mga krimen sa maayos na pamamaraan dahil malawak ang intelligence. Kaya sa walang humpay na pananalakay, tiklo ang mga ito. Ang masaklap nito, sa kabila nang malawakang pagsalakay ng mga kapulisan, dumarami pa rin ang mga Chinese at patuloy na namamayagpag na walang takot sa batas. Doon na lumabas ang bali-balitang may mga kontak ang mga sindikato sa mga opisyales ng BI.

Ito ang natuklasan ni Senator Riza Hontiveros na tinaguriang “pastillas scheme”. Kaya sa unang arangkada pa lang ng Senate hearing may konting kapupulutan na ng pruweba ang mga magagaling nating senador. Ibinunyag kasi mismo ni Mr. Allison Chiong na mismong BI officials ang may kagagawan nito. Lumang tugtugin na kasi ang envelop kung kaya tinagurian itong pastillas at limpak-limpak na datung na ang pumuno sa mga bulsa ng mga tiwaling opisyales ng BI. Kungsabagay paunang eksena pa lang ito mga suki, may nakatakda pang kasunod na teleseryeng magaganap sa Senado sa mga susunod na araw at iyan ang huwag ninyong pakawalan.

Ngunit kahit na hindi pa nasasagad ang pagtatanong kay Chiong, mabilis pa sa kidlat ang naging tugon ni Digong. Sibak agad ang 19 BI officials at malamang na malalagay ito sa balag ng alanganin. Sana isama na sa kautusan ni Digong ang pag-lifestyle check sa mga dorobo para hindi na sila pamarisan. Pinangalanan ni Chiong ang mga sangkot sa pastillas scheme na sina dating Bureau of Immigration Deputy Commissioner Marc Red Mariñas; Travel Control Enforcement Unit officials Bien Guevarra, Glenn Comia, Den Binsol, Totoy Magbuhos, Dion Albao, Paul Borja, Anthony Lopez, Dennis Robles, Erwin Ortañez, Fidel Mendoza at Meynard Mariñas.

Mukhang hindi pa kumpleto ang isinigaw ni Chiong kaya huwag nating kaliligtaang pakinggan at panoorin ang teleserye sa Senado mga suki. Abangan!

BUREAU OF IMMIGRATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with