Tuloy ang buhay
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 8, 2020 - 12:00am

ILANG araw pa lang ang nakalilipas mula nang laman ng lahat ng balita sa radyo, telebisyon at diyaryo ang wala sa panahong pagkamatay ng world basketball superstar na si Kobe Bryant. Dagsa ang tao sa Araneta Coliseum noong gabi ring iyon para makiluksa at pumirma sa poster ng atleta. Pinag usapan, nag-iyakan ang tao, parang walang katapusang hinagpis. At...natapos din. Nanonood ako ng mga komentaryo sa sports sa TV kagabi at ni hindi man lang nababanggit si Kobe Bryant. Tuloy ang buhay. Move on, kumbaga.

Naalala ko ang mga magulang ko na kapwa tila tinangay ng hangin sa isang iglap noong 2004. Ilang buwan lang ang pagitan ng pagkamatay ng mag-asawa sa mga biglaang sakit. Bilang ate ng aking mga kapatid ako ang nag-ayos ng burol, palibing at pag-asikaso ng lahat ng dokumentasyon...parang walang katapusang hinagpis. At...natapos din.

Kapag bumibisita ako sa bahay namin sa Parañaque kung saan kami pinalaki, at ngayon ay tinitirhan na ng pamilya ng isa sa aking mga kapatid, naiisip ko na walang nagbago sa bahay. Nawala lang ang aking mga magulang. Parang bula. Tuloy ang buhay.

Itong nangyayaring coronavirus na may mga tinangay ring buhay...may mga magluluksa...matatapos din. Kagabi ay may tribute sa isang aktor sa Amerika, si Kirk Douglas. Isa sa mga institusyon, mga haligi ng Hollywood na sumakabilang buhay na noong isang araw sa edad na 96. Umabot na pala siya sa ganoong edad. At, tila bigla na lang, wala na siya.

Napapaisip ako kung gaano kaikli ang buhay. At gaano man kalaki ang pangalan o haba ng iyong buhay, anuman ang iyong kontribusyon sa lipunan o kayamanang iyong nalikom, lahat tayo ay matatapos din. At tutuloy parin ang buhay sa mundo.

Madalas tanungin kung ano nga ba ang dahilan at tayo’y buhay ngayon sa mundong ibabaw, bakit tayo narito? Medyo matagal ko nang nasagot yan sa aking sarili. At sa bawat karanasan ng paglipas ng buhay ng mga tao sa aking paligid, lalo ko pang napapanindigan ang aking konklusyon. Kung paplanuhin ang ating buhay sa 70 o 80 taon, ito ay napakaikli. Sa unang 20 taon ay halos wala pa tayong mga muwang sa responsibilidad. Kaya’t ang bibilangin na lang ay buhay na may saysay sa loob lang ng 50 taon, kung pagpapalain tayo ng kalusugan. Lalo pang umikli.

Simple lang. Kung ganito lang kaikli ang buhay ng tao eh ‘di ba’t dapat na lang ilaan ang mga taon sa mga gawaing kabutihan para sa sarili, sa kapwa at para sa mundo? Parang napakaikli ng buhay para lang makipag-away, magdamot, manira, magnakaw, mag-abuso nang walang saysay.

Kulang na kulang ang panahon para makatulong sa iba, pagbilinang mabuti ang mga anak at apo, bumuo ng proyekto para makatulong, gaano man kaliit, upang magpatuloy ang tulong at kabutihan kahit wala na tayo. Tila kailangang iwan natin ang mundo na mas mabuti, maayos kaysa noong ating datnan. Hindi man natin maabot ang ambag sa mundo o lipunan, sa sariling pamilya palang, kulang na ang oras.

Paano man natin gamitin ang nalalabi nating mga taon sa mundo, sa ating paglipas, tuloy ang buhay. Para lang sa akin, mas maganda yata na magkaroon ng saysay ang ating paglalakad sa mundong ibabaw kung ang ating iiwan na mga alaala ay inspirasyon para sa pagsulong at hindi pag-atras ng ating mga mahal sa buhay o ng sangkatauhan.

KOBE BRYANT
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with