Sa hiwalayang James Reid at Nadine Lustre
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 5, 2020 - 12:00am

KILALA n’yo ba sila? Una kong nakilala at nainterbyu ang noo’y parang mga inosenteng bata, ang mga artistang sina James Reid at Nadine Lustre. Sabi ko pa nga sa sarili, aba’y kay babata pa ng mga ito! Hindi nagtagal pumatok­ ang tambalan, at tinaguriang isa sa pinakamainit na loveteam sa TV at pelikula. JaDine ang tawag sa kanila. Laking­ gulat ko nalang nang isa o dalawang taon lang ang dumaan at marami na akong naririnig na mga isyu tungkol sa da­lawang personalidad. Una, na sila ay tunay nang may ser­yosong relasyon. At idagdag ang ibang usapan tungkol sa mga umano’y ugali nila, mga bisyo, mga personal na de­talye sa pamilya at relasyon ng dalawa, at iba pa.

Nanlalaki ang mata ko sa mga naririnig ko. Hanggang sa nagsunod-sunod ang mga pangyayari: hindi natuloy ang isang pelikula ni James dahil umano sa selosan, nawala si James Reid sa Viva Management, at naghiwalay na ang dalawang magkasintahan. Nakakaawa rin ang mga bata. Posible rin naman na hindi lahat ng balita ay totoo. Hindi nag­sasalita sa ngayon ang dalawa, bagama’t kinumpirma ang hiwalayan.

Maaalala rin ang hiwalayan ni Bea Alonzo at Gerald­ Anderson­. Love Triangle raw kasama ang isa pang magan­dang aktres. Pinag-usapan ng buong Pilipinas at laman ng lahat ng balita. Nagagalit ang mga magulang ng mga persona­lidad sa media, bakit daw pinapatulan? Pero ito ang trabaho ng mga mamamahayag. Nilabas nga ng lahat ng programa sa TV at sa mga dyaryo. Paano maiiwasan? Pero isipin: Pa­ano rin maiiwasan ang katotohanan sa panaghoy ng isang ina: Bata pa sila, mga dalaga at binata, nagkakamali rin sa buhay. Bakit sila kailangang ipako sa krus ng media at publiko?

Ito’y hindi tungkol sa tsismis o paghalungkat sa buhay ng may buhay, o tungkol sa showbiz. Ito ay tungkol sa ilang mga punto na kailangan tanggapin at pag-aralan:

1. Na kapag ikaw ay pumasok sa buhay publiko — ito man ay sa pulitika o showbiz o negosyo, kailangang tanggapin at paghandaan na ang bawat kilos mo ay susuriin at huhusgahan, tama man o mali, kailangang paghandaan ng tibay ng dibdib at talas ng pag-iisip. Kung ayaw mo na ikaw ay suriin at husgahan, huwag ka nang tumuloy.

2. Ang magulang ay tila napakaimportante sa prose­song ito. Lalo na at menor de edad pa ang kabataan, o kahit bilang suporta sa anak na nasa hustong edad. Mabubulag ang isang bagito sa pagpasok sa mga larangang ito ng showbiz, negosyo o pulitika. Laman ito ng kanilang mga pan­tasya. Kadalasan, hindi kasama sa pantasya ang putik na puwedeng kasadlakan o puwedeng itapon sa mukha ng mga nangangarap. Kapag nariyan na, hindi sila handa.

3. Kung minsan, at WALA akong pinatuturingan, nasa magulang din ang pagkukulang. Marami ang nagsusulong sa anak, na kulang sa disiplina at paalala. Hindi lahat ng kilos ng bata ay mababantayan o makokontrol. Lalo’t hindi na sila bata, gagawin nila ang gusto nila, kahit patago. Nasa magulang parin ang gabay kung paano lampasan ang isang tanging kabanata, na hindi naninisi sa iba kundi para lalong tumibay patungo sa tamang direksiyon ang kalooban at buhay ng anak.

JAMES REID NADINE LUSTRE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with