Dami na namang naka-park na sasakyan sa Maynila
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - January 28, 2020 - 12:00am

KADALASAN, tuwing may makikitang naglalatag ng mga paninda ang vendors ang nasa isip agad natin ang may pakulo nito ay barangay Chairman. Subalit mukhang nag­kakamali tayo sa paratang. Maaaring noon, maaring puwede ang hinala natin. Alam ba ninyo na sa panahon­ ngayon ang pagiging chairman o official ng barangay ay napakamasalimuot? Tukuyin ko na mga suki ay ang Car­riedo, Raon at Evangelista sa Quiapo, Maynila.

Sa aking paglilibot nitong nakalipas na mga araw, halos kakaiba na ang ayos ng pinaghaharian ng illegal vendors. Ang dating makipot na kalye ng Gonzalo Puyat, Carriedo, Sales, Evangelista at iba pang kalye ay umaliwalas at naging malinis na. Ngunit paminsan-minsan ay sinasa­mantala pa rin ito ng mga tusong vendors upang kumita naman ng kahit na paano at may maipakain sa kanilang pamilya. Ito na ang kasagutan sa kautusan ni Pres. Rod­rigo Duterte na ibalik ang kalsada at bangketa sa mamamayan. Dito na nagsimula ang kalbaryo at delubyo sa buhay ng barangay chairman at mga kagawad.

Nag-ugat lang naman ito nang ipamalas ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na kaya niyang linisin ang mga kalye sa Divisoria, Blumentritt, Paco at Quiapo. Alam kasi  ni Isko na ang mga nakikinabang sa mga illegal stall ay organizers na hindi naman talaga taga-May­nila. Pinapurihan ito ng Manilenyos dahil sa isang iglap, nalinis at nakita ang kagandahan ng Maynila. Ang masakit nito, marami ang nawalan ng hanapbuhay na mga kapuspalad nating vendors sa naturang lugar.

Maging ang mga pulis ng Manila Police District at mga personnel ng DPS at Hawkers ay nawalan ng palabigasan­ sa pagwawalis ni Isko. Sa puntong ito, papayag naman­ kaya ang kapulisan at city hall officials na mamayat ang kani­lang bulsa? Kaya sa palihim na transaksyon sa mga organizers ng vendors naging bukas-sara ang pagtitinda ng illegal vendors basta may datung na usapan. Kaya sa galit ni Isko tuluyan nang isinara ang lahat ng tabakuhan sa mga naturang lugar at ang tinamaan ay mga barangay chairman at kagawad dahil kapag nakitaan ng vendors ay agad na pinasususpende o pinasisibak sa puwesto. Kaya ang mga chairman kasama ang mga kagawad at barangay police ay halos oras-oras na nag-iikot upang palayasin ang vendors, hehehe!

Tagumpay naman ang kautusan ni Digong at Isko dahil naging malinis ang Maynila at kaaya-kaayang maglakad at mamili ang mga tao sa mga lihetimong negosyante. Katulad na lamang sa nasaksihan ko sa Barangay 307 Zone 30, District 3, Quiapo, Manila kung saan naging maayos ang mga kalye at kung may makikita kang manininda ay ‘yung mga lehitimong vendors na lamang. Kasi nga halos walang patid ang pag-iikot ni chairman Jhonny dela Cruz at mga kagawad para sitahin ang matitigas ang ulong vendors na naglalatag ng paninda sa mga ipinagbabawal na lugar. Nasaksihan ko na mismong si Dela Cruz ang nagpupulot ng basura sa kanyang nadadaanan at kapag nakitang lumampas sa guhit ang pagtitinda ay agad niya itong tinataboy o dinadala sa Barangay Hall.

Ngunit mukhang may problema pa si Dela Cruz. May mga kalye na di niya kayang tinagin ang pagparada ng mga sasakyan lalo na ang mga motorsiklo. Kasi nga may basbas mula sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na pinahahawakan ang parking boys. Hawak umano ng isang barangay chairman na taga-Binondo ang MOA sa MTPB at malamang may basbas ito ni Isko. Iyan muna ang paunang tips ko sa inyo mga suki. Tatalakayin ko ito sa susunod. Abangan!

VENDORS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with