May ABS-CBN pa kaya sa Abril?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 24, 2020 - 12:00am

MAY dalawang taon na ring pinag-uusapan sa mga pa­silyo ng ABS-CBN Broadcasting Corporation ang tungkol sa renewal ng prangkisa ng network sa Marso 2020. At habang papalapit ang petsa sa talakayan ng Kongreso, lumalakas ang tinig ng mga usapan. Totoo na ito. Papa­lapit na ang kapalaran. Ang dating chismisan, ngayon ay naungusan na ng pangamba, takot sa mga tao sa baba.

Galit si President Duterte sa Channel 2. Kung hihimayin ang mga lumalabas na isyu mula sa mga sinasabi ng Pre­sidente, galit siya sa pamunuan ng istasyon. Huwag na natin pag usapan pa kung may basehan o wala ang galit na ito. Huwag narin natin talakayin kung tama ba na ang bantang ganti ng Presidente na pagpapasa­rado sa buong network ay akma o hindi.

Napapaisip lang ako sa rami ng tao na maaapektuhan: 11,000 na empleyado ng istasyon ang parang mababagsakan ng mainit na agos ng pumutok na bulkan sakaling off the air bigla ang Channel 2 at mawalan ng trabaho. Hindi kakayanin ng industriya ng broadcast ang pagbigay ng trabaho sa mga mawawalan ng hanapbuhay.

Malaki rin ang problema ng Channel 5 dahil hindi uma­angat ang ratings at papalit-palit ang namamahala. Mula sa mga komento niya, galit din tila ang Presidente sa pamu­­nuan ng istasyong ito. Ang GMA Channel 7 naman ay sapat­ na ang tauhan, pati artista.

May isang cameraman na pagod na rin sa 20 taon na kayod sa shooting sa kalye. Hinihintay na lang niya na ma­tapos ang bayad sa hinuhulugang maliit na bahay para sa pamilya, para wala nang renta at maipapamana sa anak na ngayon ay mayron na ring sanggol na anak. May dalawang taon pa ang paghuhulog. Kapag mawalan ng trabaho, maaaring maremata ang bahay at mawala ang pinaghirapang ibinayad na sa banko.

Marami pang kuwento ng pagkabalisa ngayon ng mga maliliit kunsakaling mawalan ng hanapbuhay: production assistant na may nanay na maysakit na tanging maliit niyang suweldo lang ang inaasahan sa gastos sa bahay at gamot. Nariyan ang bagong kasal, mag-asawa mula sa magkaibang departamento na parehong mawawalan. Nariyan ang mga artista man ay ‘di naman kayamanan at sila mismo ang maysakit pero kumakayod pilit pambili ng maintainance na gamot o pang matrikula ng anak. Mapilitang patigil muna ang aral kapag magsarado bigla ang network.... 11,000 empleyado, 11,000 kuwento ng hinagpis. Karamihan ay walang kinalaman sa relasyon ng pamunuan ng istasyon sa Malacañang.

Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga celebrities, mga artista ng ABS-CBN, ang nagsusumamo ngayon sa mga kinauukulan. Hindi naman ito para sa amin, kundi para sa walang laban. Ang pamahalaan, ang lehislatura, ay kumakatawan sa maliliit na tao, sa lahat ng botante. Sana lang ay nasa puso ng mga may kapangyarihang ipinahiram lang ng Panginoon ang buhay ng apektado sa kanilang mga desisyon.

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with