EDITORYAL - Malawakang bakuna laban sa polio
(Pilipino Star Ngayon) - January 20, 2020 - 12:00am

Noong nakaraang linggo, inihayag ng Department of Health (DOH) na may isang tatlong taong gulang na bata sa Quezon City ang may polio. Ito ang kauna-unahang naireport na kaso sa Metro Manila. Sa pagkakadiskubre sa batang may polio, umabot na sa 16 ang nagka-polio sa buong bansa.

Sa pagkakadiskubre sa bagong kaso ng polio sa Metro Manila, dapat magkaroon ng maigting pang pagbabakuna sa mga bata sa buong bansa lalo na sa Metro Manila.

Noong nakaraang Oktubre 14-17, 2019, nagsagawa  na ng pagbabakuna sa National Capital Region, Lanao del Sur, Marawi City, Davao City at Davao del Sur. At noong Nobyembre 25-Disyembre 7 sa Mindanao at National Capital Region. Ngayong Enero magbabakuna sa buong Mindanao.

Dapat magsagawa muli ng pagbabakuna sa NCR lalo pa’t may lumutang na kaso ng polio. Maaring may mga magulang na hindi pinabakunahan ang kanilang mga anak. Dapat magsagawa nang malawakang pagbabakuna.

Ang polio virus ay makikita sa mga imburnal, poso negro o sewage. Sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, dapat maprotektahan ang mga bata sa virus. Kapag nabakunahan ang mga bata, 95 percent na silang ligtas sa polio. Wala umanong gamot sa polio kundi ang kumpletong bakuna.

Idineklara na ang Pilipinas na polio free mula pa noong 2000 subalit bumabalik ang virus dahil sa maruming kapaligiran. Marami pa rin ang walang sariling kubeta at kung saan-saan lamang dumudumi. Kaya ang panawagan ng DOH sa mamamayan, maging malinis para hindi mabuhay ang virus. Kailangan mapanatili ang proper sanitation.

Ngayong may mga lumulutang na polio cases sa Metro Manila, nararapat na pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Huwag isapalaran ang kalusugan. Mahirap magsisi sa huli. Habambuhay na tataglayin nila ang bangis ng polio kapag nagwalambahala.

Dalhin ang mga bata sa health center para mabakunahan. Panatilihin naman ang pagiging malinis sa katawan at maging sa kapaligiran para hindi mabuhay ang polio virus.

POLIO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with