PCSO, tumulong sa Taal victims
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - January 18, 2020 - 12:00am

TODO-TODONG paghihigpit na ngayon ang Philippine Army at Philippine National Police sa pagbabantay sa loob ng 14 kilometer radius matapos na magbabala ang Phivolcs na bagamat tahimik ngayon ang Bulkang Taal, may posibilidad pa rin itong sumabog anumang oras. Maihahalintulad ito sa atomic bomb kaya dapat lumikas ang lahat ng mga residente roon upang maiwasan ang trahedya.

Kasi nga sa pagsabog ng bulkan ay tiyak na hindi agad makalilikas ang mga tao dahil ang pagtilamsik ng nagbabagang bato at lava ay may bilis na 60 hanggang 80 kph. Kapag na-trap ang mga tao roon tiyak na masusunog sila sa sobrang init at ang makapal na abo na mala­langhap nila ay tiyak na kikitil ng kanilang buhay.

Subalit sa kabila ng pagsisikap ng mga ahensiya na saklaw ng National Disaster Risk Reduction and Manage­ment Council sa paghahakot at pagkalinga sa mga residente roon, marami pa rin ang pasaway at nagpupumilit na balikan ang kanilang mga tahanan upang kuhanin ang kanilang mga naiwang kagamitan at mga alagang hayop­. Todo ang paghihigpit ng mga sudalo at kapulisan at walang pinapayagang pumasok.

Marami ang mga pilosopo na nagmamatigas at pina­ngalalandakan na nanahimik na ang Bulkang Taal kaya payagan na muna silang makabalik sa kanilang mga taha­nan. May isang dating kagawad pa nga ang naghubad ng pang-itaas na damit at nahiga sa kalye para lamang paya­gan silang makapasok sa tinaguriang “no man’s land”.

Sa panahon ngayon hindi dapat na paawa epek ang dapat na pairalin para lamang masunod ang kanilang ninanais, ‘di ba mga suki? Ang dapat sa panahon ngayon ay ang pagsunod sa pinaiiral na kaayusan at pagkalinga ng NDRRMC, LGU at ni President Rodrigo Duterte  upang masigurong ligtas sa pagbuga ng Bulkang Taal.

Samantala, nagtungo si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Marzan Garma sa mga evacuation center sa Batangas at namigay ng 5,000 piraso ng N95 face mask, 3,3000 grocery packs at mga gamot. Pauna pa lang umano ang mga ito at sa mga susunod na araw ay muli siyang babalik upang muling magbigay ng ayuda sa mga sinalanta ng Bulkang Taal. Sabi ni Garma, “Target naming mapuntahan  ang evacuation sites para magpamahagi ng N95 face mask dahil nga sa patuloy na pagbuga ng abo upang kahit papaano’y mapunan ang kakulangan.”

Nakarating kasi sa kanyang kaalaman na nagkakapusan na ng face mask sa mga pamilihan at kung mayroon man ay super mahal naman ang presyo nito dahil sa sinasamantala ng mga tusong negosyante. Kung sabagay may katwiran si Garma na kumilos dahi ang buga ng abo ay halos bumalot na sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at maging sa Metro Manila kung kaya nag-panic ang taumbayan sa pagbili ng face mask.

Nais ni Garma na ipadama sa sambayanan na ang PCSO ay palaging bukas sa pagtulong lalo’t kung may kalamidad. Bukod diyan mga suki, magbibigay rin ng financial assistance ang PCSO sa mga local governent unit ((LGU) upang maidagdag sa pangangailangan ng evacuees. Saka ko na tatalakayin kung magkano ang inilalaan ni Garma. Abangan!

PCSO TAAL VICTIM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with