Depende na ito sa atin
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2020 - 12:00am

TOTOO na ba ito? Galit na talaga ang Inang Kalikasan sa tao, dahil sa pang-aabuso natin? Abuso sa pagkakalat sa karagatan at pagpatay sa walang kalaban-laban na mga lamandagat. Abuso sa pagbuga ng lasong usok sa hangin at himpapawid at pagdala ng sakit sa sariling baga at pagsulasok sa lahat ng bagay na may buhay. Abuso sa pagmimina at pagpatay sa mga hayop at halamanan sa gubat... Ma­rami pang kasalanan ang tao. Kaya heto ngayon. Tao ang niyayanig, nilulunod, sinusunog, sinusulasok­. Tayo naman ang walang kalaban-laban.

Mula nang pumatak ang 2020: Nasusunog pa rin ang malaking bahagi ng kagubatan sa Australia at halos bilyon na ang namatay na hayop. Inanod ng baha ang marami sa Korea at Indonesia. Namumuo ang alitan ng US at Iran. Bumagsak ang eroplano ng Ukraine. Lindol sa Puerto Rico. Pagputok ng bulkang Taal.

Sa ngayon may 25 na bulkan sa buong mundo ang kasalukuyang pumuputok habang 6 naman ang inoobserbahan na malamang ay pumutok.

Ito ba ay normal? Marami ang hindi papansin. Para sa marami sa atin, ang iniisip ay “lilipas din yan”, na parang kalam ng tiyan. Pero iba ang kalam ng sik­mura ng Inang Kalikasan. Marami ang namamatay. Oo, normal ang ganito sa bawat ilang dekada o daang taon. Ang hindi normal ay ang pagrespondeng tao. Para bang hindi natin naririnig ang sinisigaw na sa tainga natin. Parang nagbubulag-bulagan sa malinaw na nakasulat sa pader. Mayroon mang tumutugon sa mga tapik ng kalikasan sa tao.... hindi sapat ang dami ng tao at ‘di sapat ang kolektibong suporta ng mga gobyerno ng mundo. Kaya, ayun. Tuloy pa rin ang ligaya. Tuloy ang abuso. Hindi normal ang reaksiyon ng tao. Wala sa lohika. Kaya siguro tayo nandito.

Sa ngayon ay may halos kalahating milyong residente sa paligid ng Taal ang nililikas dahil hindi pa raw tapos ang peligro. Sa pagsusulat ng kolum na ito ay may posibilidad pa rin ng huling buga ng bulkan na magdadala ng mataas na intensity na lindol. Daw. Maraming pag-aanalisa at opinyon, maraming fake news. Ang malinaw: Halos daang milyong halaga ng kabuhayan ang nasira, napakaraming bahay na tabon sa ashfall.

At kumusta naman ang pagresponde ng tao sa paalala na ito galing Langit? Ayun. Marami ang nag­tataas sobra ng presyo ng face mask na basikong kailangan ng lahat. Ang mga residenteng lumilikas, sadyang iniiwan ang mga alagang hayop, pati ang mga kabayo na nagbigay serbisyo sa mga turista sa Taal na pinakinabangan ng mga nagnenegosyo. Pababayaan na lang yatang masunog o mabaon sa ashfall. Pati ang mga kawawang aso at pusa na kasambahay na parang pamilya ay aban­donado at ‘di malaman saan pupunta. Marami sa atin na malayu-layo, kibit balikat. At pagkatapos ng unos... malamang balik ligaya. Abuso ulit.

Pero hindi naman lahat ay walang pakialam. Nakakaantig ng damdamin ang mga volunteer na sumusuong sa pagsagip sa mga kawawang hayop, dala ang mga aso pati baboy sa kanilang balikat, dinadala sa ligtas na lugar. Pati mga banyaga nagdatingan at tsini-checkup ang mga kabayo at pinapastol sa kaligtasan. Marami sa gobyerno sistematiko naman ang paglikas sa mga residente tungo sa evacuation centers. Marami ang nagdo-donate ng pagkain at pangangailangan ng mga sinalanta. Marami ang nagsimula ng prayer brigade. Pero sana higit sa dasal ang mangyari pagkatapos ng lahat ng ito.

Maliban sa pagsusuri kung paano mapipigilan ang patuloy na abuso ng tao at industriya sa kalikasan, may ibang praktikal pa na hakbang ang pwede naman at dapat aksyunan: Talaga bang hindi pagbabawalan ng gobyerno ang mga tao na tumira sa paligid ng mga bulkan? May mas sistematikong paraan ba ng paglilikas sa pagkakataong pagputok ng bulkan?

Samantala, para sa mga tulad ng mas nakakarami na walang pisikal na magawa sa sitwasyon, ang payo ni Pastor Bo Sanchez sa sangkatauhan: Ito ay im­bi­­tasyon sa lahat na magpakumbaba at umayon sa harap ng mga bagay na wala tayong kontrol.

Hindi kaya ang ating reaksiyon at ang paraan ng pagresponde ng tao sa ganitong mga natural na kalamidad ang siyang magiging batayan ng Panginoon kung ano ang susunod para sa atin? Kumbaga, pinag-aaralan din tayo ng Langit. At nasa sa atin na ang ating kahihinatnan. Ipagdasal na tapos na ang pinakamalalang bahagi ng kabanatang ito. At pagka­tapos ay magbago ang dapat magbago sa tao.

BBULKANG TAAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with