Iulat ang dami, hindi halagang nasasabat na droga
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 13, 2020 - 12:00am

Headline: P5 milyong halaga ng shabu sa 11 re-sea-lable pouches ang nasabat sa police raid. Mapapaisip ang istambay na makarinig:“Marami akong paggagamitan ng maski porsiyento lang ng ganyang halaga.” Isang porsiyento, P50,000, ay limang buwan niyang ikakayod sa construction site. Malaki ang tukso na magtulak na lang siya ng droga sa kalye, lalo na kung dati na siyang tumitira kaya may 11 kapwa adik na handang umiskor. Maari siyang mapatay sa gan’un; pero unti-unti na rin naman siyang namamatay sa malnutrition at kasisinghot ng shabu.

Limang milyong piso, pera na hindi pa natutunghayan ng karamihan ng Pinoy, ay labis na nakakapagpahanga. Sa dalas ng pagsabat ng ganu’n halaga ng shabu, nagkaka-ilusyon ang pulisya na nananalo sila sa giyera kontra droga. Nasasabitan sila ng medalya sa gan’un, lalo na kung mas malalaking halaga. Nu’ng 2013 sa Pampanga 13 operatiba ang na-promote matapos makakumpiska ng P155 milyong halaga ng shabu. Nito lang Okt. sa inquiry sa Senado nabunyag na halos 200 kilo pala ng ilegal na pulbo ang nakuha nila-- pero ni-recycle ang 160 nu’n sa halagang P650 milyon, sa pamamagitan ng sindikato sa loob mismo ng Pambansang Piitan.

Maaring malinlang ang mga heneral sa laki ng halaga ng nasasabat na droga. Nu’ng katapusan ng Nob. nakahuli sila ng P2.5 bilyong shabu sa hideout sa Makati City. Pinaka-malaking hakot ‘yon ng taon 2019. Mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2019, anang Philippine Drug Enforcement Agency, P34.75 bilyong droga ang nasabat.

Pero sa rami, 4,409 kilo lang ‘yon ng shabu.

Maliit ‘yon, kumpara sa lingguhang konsumo ng shabu. Ulat mismo ng PNP Drug Enforcement Group, tumitira ang 3 milyong adik ng isang gramong shabu kada linggo. Tatlong milyong gramo ‘yun, o 3,000 kilo kada linggo. Sa 156 na linggo pala ng giyera sa droga ay isa’t-kalahating linggong konsumo lang pala ang naibawas ng mga heneral sa napakalaking demand ng shabu. Kailangan ng panibagong estratehiya.

DRUG PDEA PNP
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with