_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ihanda pa rin OFWs sa Iraq

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Ihanda pa rin OFWs sa Iraq

KAHIT umatras na si US President Donald Trump sa pakikipaggiyera sa Iran, hindi pa rin dapat tumigil ang pamahalaan ng Pilipinas sa paghahanda sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq. Walang kasiguruhan ang pag-atras ni Trump lalo pa’t sinasabing pabagu-bago ang isip ng US President. Maaaring ngayon ay tahimik siya pero posibleng sa mga susunod na araw o linggo ay ipag-utos uli niya ang air strike sa Iran.

Hindi gumanti ang US sa Iran nang paulanan nito ng dosenang missiles ang dalawa nilang bases sa Iraq. Sabi ni Trump, wala namang namatay o nasugatan sa pagganti ng Iran. Hindi rin umano malaki ang pinsala. Sabi pa ni Trump, hindi gusto ng Iran na makipaggiyera at mabuti naman ito para sa lahat at sa mundo. Sabi pa ni Trump, bagama’t may malakas na militar at kagamitan ang America, hindi nangangahulugan na kailangan na itong gamitin.

Hindi gumanti ang US sa banat ng Iran pero hindi dapat maging kampante ang opisyal ng Pilipinas lalo na ang nasa Iraq. Dapat magkaroon ng paghahanda kahit pa kumalma ang dalawang nag-iiringang bansa. Walang makapagsasabi kung hanggang kailan mananahimik si Trump pero ma­rami ang nangangamba na naghihintay lang ng panibagong dahilan ang US President para banatan ang Iran. Matagal na silang may hidwaan at hindi ang America ang unang susuko sa laban.

Kung saan naroon ang mga Amerikano, tiyak na may mangyayaring gulo. At tiyak nang magka­kagulo sa Iraq sapagkat dalawang malalaking bases ng US ang naroon. At kung saan din naman may bases ang Amerikano, naroon at nagtatrabaho ang mga Pinoy.

Tinatayang may 3,000 OFWs sa Iraq. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong mga Pinoy na hindi dokumentado. Tiyak na maiipit ang mga OFWs kapag nagkaroon ng sigalot.

Walang pinakamagandang magagawa kundi laging ihanda ang mga OFW sa Iraq. Laging magsagawa ng pakikipag-ugnayan sa kanila. Walang ibang tutulong sa OFWs sa Iraq kundi ang gobyerno mismo ng Pilipinas.

DONALD TRUMP IRAQ OFW
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with