^
EDITORYAL â Basura sa Rizal Park

EDITORYAL – Basura sa Rizal Park

(Pilipino Star Ngayon) - December 28, 2019 - 12:00am

TAUN-TAON, pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon, toneladang basura ang nakukulekta sa Rizal Park. Mistulang basurahan ang parke ng mga namasyal at nagpalipas ng gabi roon. Kahit paulit-ulit ang paalala na huwag iiwan ang kanilang ba­sura, marami pa rin ang hindi sumusunod at pa­tuloy na dinudumihan ang parke. Kahit na mayroong mga basurahan sa paligid, hindi ginagamit at mas gusto pang iiwan sa damuhan, upuan at mga ilalim ng puno at halaman.

Noong Disyembre 26, 60 tonelada ng basura ang nakolekta sa Rizal Park. Iba’t ibang klase ng basura na karamihan ay mga plastic at styro na hindi natutunaw. May mga wrapper ng litson, sachet ng 3-in-1 coffee, aluminum foil na pinagbalutan ng embutido­ at bangus, cup ng instant noodles at mga plastic bags na pinaglagyan ng kung anu-ano pang mga baon. Halatang mga pamilya na nagselebreyt ng Pasko ang nag-iwan ng basura. Dumayo pa sila sa parke para lamang doon magkalat.

Halos taun-taon ay ganito ang tanawin sa Rizal Park --- dagat ng basura. Pinipilit pagandahin ang parke para maging kaaya-aya pero dinudumihan lamang ng mga iresponsableng namamasyal kapag Pasko at Bagong Taon. Wala na silang pakialam kung ang iniwang basura ay maging dahilan nang pagbabara sa mga drainage at iba pang daanan ng tubig na nagiging sanhi ng pagbaha. Ang mga plastic na basura ay hindi natutunaw kaya walang katapusan ang pagbaha.

Sa bisperas ng Bagong Taon, tiyak na namang marami ang daragsa sa Rizal Park para salubungin doon ang 2020. At gaya nang dati, magdadala na naman sila ng mga pagkain at ang pinagkainan at pinagbalutan ay doon na naman iiwan. Trak-trak na naman ng basura ang kukolektahin.

Magkaroon na sana ng disiplina ang mga nagseselebreyt sa Rizal Park. Huwag ikalat at iiwan ang basura. Magdala ng sariling garbage bag at doon ilagay ang mga basura. Pangalagaan ang kalinisan ng parke para mapanatili ang kagandahan nito at mapasyalan pa nang mga susunod na henerasyon.

RIZAL PARK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with