^
EDITORYAL -  Misuari vs Abu Sayyaf

EDITORYAL - Misuari vs Abu Sayyaf

(Pilipino Star Ngayon) - December 18, 2019 - 12:00am

MAGANDA ang mga binitawang salita ni Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Mi­suari noong Biyernes makaraang italaga ni President Duterte na special envoy on Islamic Affairs to the Organization of Islamic Cooperation (OIC). Sabi niya, lubos daw na makaaasa ang Presidente na susuportahan siya ng MNLF sa pagdurog sa Abu Sayyaf. Ipakikita raw ng MNLF kung gaano sila ka­epektibo sa paglutas sa problema sa teroristang grupo na naglulungga sa Sulu. Masusubukan daw sila kung gaano kahusay sa pagkakataong ito. Sabi pa niya, wala nang tatakbuhan ang Abu Sayyaf.

Ang pangako ni Misuari ay nagpapakita na matu­tuldukan na ang kasamaan ng teroristang grupo na dalawang dekada nang tinik sa bansa. Tatlong Presi­dente na ang nagtangkang lupigin ang grupo pero hindi nagtagumpay. Nagpatuloy ang pangingidnap sa mga dayuhan at maging sa mga kapwa Pilipino at pinatutubos. Kapag walang maipantubos, pinapatay at ang ilan, pinupugutan pa ng ulo. Isa ang dayuhang si Guillermo Sobero na pinugutan ng Abu Sayyaf noong taon 2000.

Kabilang din sa mga kinidnap ng teroristang grupo ay ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham noong 2001. Napatay si Martin nang i-rescue. Noong 2017, isang German ang kanilang kinidnap at pinatay pa ang misis nito sa Tawi-Tawi. Dala­wang Canadian hostages ang kanilang pinugutan noong 2016 makaraang hindi makapagbigay ng ransom. Dahil sa ginagawang pangingidnap, maraming turista ang ayaw nang magtungo sa Mindanao sa takot na makidnap.

Ayon sa report, umabot na sa P353 milyon ang kinita ng grupo sa kidnapping. Malaking bahagi ng kinita ay ibinili nila ng baril. Ipinagmalaki pa nga noon ng kanilang kumander na si Ghalib Andang alyas Kumander Robot ang mga high-powered fire­arms. Bukod sa nakabili ng baril, nakapagsasagawa pa sila ng terrorists trainings. Ang grupo ay naki­pag-alyansa sa teroristang ISIS noong 2016 at nakakakuha ng suportang pinansiyal dito.

Ngayong matibay ang pangako ni Misuari na dudurugin ang Abu Sayyaf, maaaring magwakas na ang kasamaan ng mga terorista. Wala na silang matatakbuhan. Mapapalaya na ang Sulu at iba pang bahagi ng Mindanao sa kuko ng Abu Sayyaf! Umpi­sahan na ang paglipol.

ABU SAYYAF MNLF
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with