EDITORYAL - Ibawal nang tuluyan ang mga paputok
EDITORYAL - Ibawal nang tuluyan ang mga paputok
(Pilipino Star Ngayon) - December 13, 2019 - 12:00am

LABINGWALONG araw na lamang ang natitira sa 2019 at sasalubungin na ang 2020. Ngayon pa lang, mayroon nang maririnig na putok sa ilang mga lugar na nagpapahiwatig sa pagsalubong sa paparating na bagong taon. May mga bata na nagpapaputok ng piccolo. Parang kendi na nabibili sa tindahan. Kahit may ipinag-utos si Presidente para sa regulasyon at pagkontrol sa mga malalakas na paputok, marami pa rin ang gumagawa at nagbebenta. Kaya ang Executive Order No. 28 na nilagdaan niya noong Disyembre 2017 ay hindi rin nasusunod. Wa­lang epekto­ sapagkat patuloy ang paggawa at pagbe­benta. At maaaring patuloy din ang pagpasok sa bansa ng mga imported na paputok gaya ng piccolo.

Ang pagkilos ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga malalakas at mapaminsalang paputok ay nararapat nang paigtingin ngayon. Kung hindi sila kikilos, tiyak na marami na naman ang masusugatan, mabubulag, mapuputulan ng daliri at kamay dahil sa mga mapaminsalang paputok. Dahil din sa mga pa­putok kaya nagkakaroon ng mga sunog. Hindi dapat hayaan ang mga paputok na ito na sirain ang papasok na taon.

Sa EO 28, nakasaad na ang mga malalakas na pa­­putok ay mahigpit na pinagbabawal at ang paggawa at pagbebenta. Kabilang sa mga ipinagbabawal ang Judas Belt, Superlolo, Bawang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at Sawa. Nakapagtataka naman kung bakit hindi isinama ang piccolo. Dapat rebyuhin ang EO 28 at isama ang piccolo sa mga delikadong paputok. Noong nakaraang taon, mula Disyembre 24-31, umabot sa 24 na bata ang nasugatan dahil sa piccolo. May mga naputulan ng daliri at nabulag.

Sa kabila na inisyu ang EO 28, patuloy pa rin ang paggawa at pagbebenta ng mga ito kaya ang resulta, marami pa rin ang nadidisgrasya. Hindi maabot ang “zero casualty”. Marami pa ring isinusugod sa ospital sa bisperas ng Bagong Taon. Bagama’t bumaba ang bilang ng casualties noong nakaraang taon dahil sa EO 28, hindi pa rin masasabing tagumpay ang kampanya sa paputok.

Pinakamagandang gawin ay ipagbawal nang tuluyan o total ban ang lahat nang paputok. Tanging mga pailaw ang hayaang ibenta. Magkaroon din naman ng designated fireworks display sa isang lugar para doon na sama-samang magsisipagsaya ang mga residente. Gawin sana ito ngayon para maiwasan ang disgrasya.

EO 28 EXECUTIVE ORDER NO. 28 PHILIPPINE NATIONAL POLICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with