‘Partial operation’ ng subway hindi uubra, anang eksperto
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - December 6, 2019 - 12:00am

HANDA nang lahat para hukayin ang unang tatlong istasyon ng Metro Manila subway. Na-assemble na ang higanteng Tunnel Boring Machine (TBM) mula Japan, ani DOTr Sec. Arthur Tugade. Bubutas sa Quirino High­way-Mindanao Avenue, Tandang Sora at North Ave­nue, Quezon City, ani U-Sec for rails Timothy John Batan. Nakalaan na ang P9.8 bilyon sa 2020 national budget at P52.25-bilyong pautang mula Japan, ani U-Sec. for finance Gary de Guzman. Pati publisidad, kasado na.

Isa na lang ang problema. Ang pakay na i-operate ang tatlong istasyon sa Enero 2022 ay imposible. Nais ng DOTr magamit agad ang tatlo para habang hinuhukay ang 12 iba pang istasyon ng 36-km subway. Pero sa teknolohiya ng subway, dapat tuluy-tuloy ang pag­hukay mula sa bungad hanggang sa dulo. Hindi maaari huminto para paandaran ng tren ang ilang istasyon, dahil walang pagtatambakan ng lupa at paglalagakan ng konkretong prefab na pampader, kisame, at sahig ng tunnel.

“Sinumang nagsasabi ng ‘partial operation’ ay hindi nakakaintindi,” ani Engr. Rene Santiago, eksperto sa transportasyon at trapik.

Anim na daang tonelada ang ga-bahay na TBM, ka­yang bumutas nang pitong metrong diameter na tunnel. Limang milyong cubic meters ng lupa ang aalisin­, katumbas ng 2,500 Olympic-size swimming pools.

Ipinaliwanag ni Santiago, ex-president ng Transport Science Society of the Philippines, kung bakit hindi uubra ang planong patakbuhin agad ang tatlong istas­yon: “Napanood ko sa Europe kung paano gumana ang TBM sa ilalim ng lupa. Kung saan humukay, doon ilalabas ang lupa. Habang humuhukay ang TBM, otomatikong isinasalpak ang prefab concrete linings ng tunnel. Dalawa hanggang apat na tonelada kada higanteng piraso ng Lego, kumbaga. Hindi aandar ang TBM hangga’t hindi nailalatag ang konkretong linings. Kung i-operate ang istasyon, magagambala ang mga pasahero sa paghuhukay. Sobrang gastos ilipat ang TBM at imbakan ng concrete linings sa kabilang dulo.”

PARTIAL OPERATION
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with