EDITORYAL - Mga mapagsamantalang negosyante, bantayan!
(Pilipino Star Ngayon) - December 5, 2019 - 12:00am

KAPAG may kalamidad, lumulutang ang mga ganid na negosyante. Sasamantalahin ang pagkakataon para maitaas ang kanilang mga paninda lalo na ang mga pagkain. Alam ng mga gahaman na hindi na makakapiyok ang mga nangangaila­ngan ng pagkain at magbabayad kahit sobra-sobra ang patong. Wala silang pakialam sa kalagayan ng mga biktima ng baha o ng kalamidad. Ang nasa isip nila ay kumita nang malaki. Walang ipinagkaiba ang mga gahamang negosyante sa mga buwitre na nagsusulputan kapag nakaamoy ng mga bangkay. Mabuti pa nga ang mga buwitre na kapag nabusog ay titigil na sa pagsila. Ang mga gahamang negos­yante, hindi titigil at gusto’y kumita nang kumita hanggang umapaw ang kanilang bulsa.

Matindi ang iniwang pinsala ng Bagyong Tisoy noong Martes sa Sorsogon, Albay, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Batangas at Quezon. Apat ang namatay. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ang nasa evacuation centers dahil wala na silang uuwian makaraang sirain ni Tisoy ang kani­lang mga bahay. Marami ang litung-lito kung paano magsisimulang muli.

May mga nagsisimula nang buuin ang nawasak nilang mga bahay. Problema ay ang mataas na presyo ng materyales – semento, bakal, hollow block at iba pa. Hiling nila sa pamahalaan na matulungan silang maitayo ang nawasak na bahay.

Sa ganitong sitwasyon, may mga negosyanteng itinataas ang presyo ng bigas, sardinas, noodles, kape at asukal. Sasamantalahin ang sitwasyon para kumita nang malaki.

Sana magbantay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lugar na pininsala ng bagyo. Hindi dapat makapambiktima ang mga ganid na negosyante. Kailangang kumilos ang DTI para masawata ang pagkagahaman ng mga negos­yante.

Kapag mayroon silang nahuli at napatunayang nagmahal ng paninda, bawian ng lisensiya o permit para hindi na sila pamarisan. Hindi dapat patawarin ang mga masasahol pa sa buwitre.

BAGYONG TISOY DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY MAPAGSAMANTALANG NEGOSYANTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with