EDITORYAL - 10 taon nang naghihintay ng hustisya
(Pilipino Star Ngayon) - November 23, 2019 - 3:00am

NGAYON ang ika-10 taon nang pinaka-karumal-dumal na krimen sa bansa ang Maguinda­nao massaker. Limampu’t walong katao ang walang awang pinatay at 32 sa mga ito ay mamamaha­yag. Sama-sama silang inilibing sa malalim na hukay kasama ang mga sasakyan para mapagtakpan ang krimen. Pa­ngunahing suspect ang pamilya Ampa­tuan. Nangyari ang masaker sa panahon ng 2010 elections. Dapat ngayong araw na ito ibababa ang desisyon subalit humiling ang prosekusyon sa Supreme Court na ipagpaliban. Pinagbigyan ng SC ang kahilingan. Sa Disyembre 20, 2019 umano ibababa ang hatol.

Sana matupad na ito sapagkat marami sa mga kaanak ang nawawalan na ng pag-asa. Hanggang kailan ang kanilang paghihintay. Kamakailan sinabi ng prime suspect na si Andal Ampatuan Jr. na wala naman daw matibay na katibayan laban sa kanya. Ang mga sinabi niya ay lalo pang nagdagdag sa kirot ng mga naulila ng mga biktima.

Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nalalapit na ang resolusyon sa kaso. Bago umano ang Nobyembre 23, 2019 ay mayroon nang resolusyon ang Quezon City Regional Trial Court (RTC). Hindi na raw magtatagal at hahatulan na ang mga akusado.

Magugunita na noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang malalim na hukay. Planado ang krimen.

Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at mahigit 100 katao dahil sa masaker. Namayapa na ang matandang Ampatuan noong 2014 at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Marami sa mga kaanak ng mga biktima ang nanga­ngamba dahil unti-unti umanong nawawala ang mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang makapagsalita sa totoong nangyari. Mayroon din umanong binayaran para umatras sa pagtestigo.

Hindi lamang mga kaanak ng biktima ang naghihintay sa resulta ng kaso kundi ang taumbayan man. Sila man ay nauuhaw sa hustisya na inabot na ng isang dekada.

MAGUINDA­NAO MASSAKER
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with