Banta ni Isko vs. vandals
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - November 23, 2019 - 3:00am

KAHAPON ng umaga nadaanan ko ang maraming pulis na nagbabantay sa Jones Bridge kaya nagtanung-tanong ako kung ano ang binabantayan ng mga ito. Ayon sa aking nakausap na pulis, binabantayan nila ito upang masigurong hindi masasalakay ng vandals at paghahanda na rin sa pagpapailaw nito na gaganapin bukas na pangungunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Kaya paalala sa mga moto­rista, isasara ang tulay ng 4:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi o maaring mas hihigit pa dahil dadaluhan ito ng mga kilalang tao sa administrasyon ni Pres. Rodrigo Duterte.

Malinaw na malawak ang pananaw ni Isko Moreno sa Manileños, kasi nga ang makikinabang nito ay yung mga dumaraan sa naturang lugar at siguradong mara­ming negosyante ang maiingganyo na maglagay ng ka­nilang negosyo sa Maynila. Kung sabagay kalat na sa buong Maynila ang kaayusang ipinamalas ni Isko mula nang umupong mayor. Una riyan ay ang paglinis sa buong paligid ng Divisoria, Blumentritt, Quiapo at Paco na pinamugaran ng vendors. Hindi naging madali ang pagwalis ni Isko sa vendors dahil sa unang bugso ay tiklop bukas ang ginawa ng mga ito. Subalit naging matigas  si Isko sa kanyang paninindigan kaya walang nagawa ang mga organizer at maging barangay chairman. Inalis din ni Isko ang kotong ng mga pulis kaya wala nang dahilan na magkaroon pa ng pagkakataon na makapaglatag ang vendors ng kanilang paninda. Noong mga nakaraang linggo, halos tumirik ang mata ni Isko sa galit matapos makita ang tambak ng basura na iniwan ng vendors sa Ilaya hanggang sa kanto ng C.M. Recto.

Ipinag-utos ni Isko na wala nang magtitinda. Nanguluntoy ang mga isang kahig isang tukang  vendors subalit mas may katwiran naman si Isko na patawan sila ng kaparusahan dahil lumabag sila sa usapan. Hindi pa man humuhupa ang galit ni Isko nasundan naman ito ng bandalismo sa Lawton underpass, Lagusnilad at Araullo High School. Banta ni  Isko, na padidilaan niya sa mga ito oras na mahuli. Kapag di tumigil ang vandals madadamay ang budget ng Pamantasan at University of Manila kapag tinapyasan ni Isko ang pondo. Kaawa-awa naman rito ang mga estudyante na tumatamasa sa biyaya ng City of Manila.  Kaya sa ngayon dagdag trabaho na naman sa kapulisan natin itong pagbabantay sa mga proyekto ni Isko, kaya ang panawagan ko mga suki, itigil na ang bandalismo. Hindi basta-bastang datung ang iniluluwa sa kaban ng Lungsod ng Maynila sa mga proyektong ito.

Kahit na sabihin nating may mga sponsors itong pagpapaganda ni Isko sa mga lugar katulad ng Bonifacio Shrine, Lagusnidad, mga underpass at itong Jones Bridge, mas kapaki-pakinabang po ang budget na maigugol sa iba pang proyektong nais ni Isko. Katulad na lamang sa pagpapakain at pagpapaaral sa mga lagalag este pulubi sa lansangan, pangarap kasi ni Isko na kalingain ang mga mahihirap na kababayan na pagala-gala sa kalye. Kailangang magkaisa ang mga manilenos at suportahan ang mga proyekto ni Isko sa kaayusan at kalinisan ng Lungsod.

ISKO MORENO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with