EDITORYAL - Suspendihin ang rice importation
(Pilipino Star Ngayon) - November 20, 2019 - 12:00am

GUSTO umano ni President Duterte na magpa­hinga muna sa pag-import ng bigas para matulungan ang mga magsasaka na nalugi mula nang dumagsa ang imported na bigas. Bilyong piso ang nalugi sa mga magsasaka mula nang ipatupad ang Rice Tarrification Law noong Marso. Sa tarrification law, naging maluwag ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. Kahit sino, basta susunod sa alituntunin ng Department of Agriculture (DA) ay maa­aring mag-angkat ng bigas. At ang resulta, namutiktik sa rami ng bigas ang bansa.

Pero tinanggi naman ng Palasyo na gustong isuspende ng Presidente ang importasyon ng bigas. Wala raw katotohanan ang balitang lumabas sa telebisyon na ipatitigil na ang importation. Hindi raw maaari ito. Isa pa kalalagda lamang ng batas noong Pebrero. Maski ang DA ay pinabulaanan ang report. At pati na ang Department of Finance ay nagsabing hindi totoo ang pagsuspende sa importasyon. Hindi raw maaaring suspendihin ang nalagdaan na.

Ayon sa report, malapit nang maging number one sa pag-import ng bigas ang bansa. Malapit nang malampasan ang China sapagkat nasa 3.1 milyong tonelada ng bigas ang inimport ng bansa noong nakaraaang Oktubre.

Ang nakapagtataka sa nangyayaring ito, sa kabila na dagsa na ang imported na bigas, ang sinasabing pagbaba ng presyo nito ay isang bangungot. Sa kasalukuyan, naglalaro pa sa P37 at P40 ang kilo ng bigas at mayroon pang P50 ang kilo. Nasaan ang sinasabing kapag naging maluwag na ang pag-import ng bigas ay bababa na ang presyo? Nagkamali ba sa liberalisasyon ng pag-iimport ng bigas?

Isa pang nakapagtataka ay ang biglang pagbagsak ng bawat kilo ng palay na ibinibenta ng mga lokal na magsasaka. Kung dati ay naibebenta nila ng P14 bawat kilo, may nagsasabing naibebenta na lang ngayon ng P8 hanggang P9 bawat kilo. Sa sobrang lugi ng mga magsasaka, marami ang umiiyak sapag­kat wala silang maitutustos sa pangangailangan ng pa­milya. Puro utang sila. Kamakailan, humingi ng pa­umanhin ang Presidente sa pagbagsak ng presyo ng palay at gumagawa na umano ng solusyon dito.

Ang solusyon ay ang pagsuspende sa impor­tasyon ng bigas. Ito ang dahilan kaya nagmura ang palay. Sino ang bibili ng palay gayung tambak sa mga bodega ang bigas? Itigil ang rice importation para makaahon ang mga magsasaka.

RODRIGO ROA DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with