Panigan ang naaapi
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. (Pilipino Star Ngayon) - November 20, 2019 - 12:00am

PALAISIPAN ngayon ang mga ikinikilos ni Pasig Mayor Vico Sotto na pabor sa 23 manggagawang pinakulong ng Regent Food Corporation (RFC). Ang RFC ay isa sa mga dambuhalang negosyo na matagal nang taxpayer ng lungsod Pasig.

Sa unang tingin, para uli itong sitwasyon na may ba­yaning susugod, sakay ang puting kabayo, at isasalba ang api laban sa pang aabuso. Lalo na’t manggagawa ang sangkot at malaking kompanya ang katapat, hindi ma­iwasan na ganito ang isipin.

Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay api ang mang­ga­gawa. Maselan ang balanseng namamagitan sa mang­­gagawa, sa negosyo at sa gobyerno. Bawat isa sa tat­long ito ay kritikal na haligi upang mapanatili ang kapayapaan sa industriya. Hindi sa lahat ng panahon ay mamamayani ang interes ng negosyo o ng manggagawa. May mga batas na dapat sundan, gaano man kabigat ang kalabasang resulta nito kanino man sa kanila.

May mga hindi sumasang-ayon sa hakbang ni Mayor Sotto na isulong ang interes ng mga pinakulong na mang­gagawa. Mismong si DILG Secretary Eduardo Año ay pina­alalahanan si Mayor na ang obligasyon ng lingkod bayan ay ang maging neutral. Wala dapat papanigan at ipaubaya na lamang lahat sa proseso ng batas.

Ganyan nga ang gagawin kapag ikaw ay isang halal na ang tanging adhikain ay ang gawin ang katungkulan nang maayos at walang kontrobersiya. Iwas na lang sa mga pana­wagang humihingi ng aksiyon na higit pa sa inaasahan. Subalit walang masama kapag piniling gamitin ito upang ipakiusap ang sa tingin niya’y naagrabyado.

Pinili ni Mayor Sotto na magsalita upang ipaglaban ang maliit na tao, kahit hindi ito akma sa ekspektasyon ng marami at masabi mang taliwas sa itinakda ng batas. Imbes na punahin ay dapat pang itaguyod ang kanyang desis­yon. Hindi inatrasan ng batang mayor ang timbangin ang dalawang magkasalungat na interes at pangatawanan ang pagiging ama ng lungsod.

 Hangarin ng pampublikong panunungkulan ang alalayan ng batas ang mga kaawa-awa at nangangailangan. Ito ang kanyang paninindigan. Sa ganitong pamantayan, walang masasabing pagkukulang ang inasal ni Mayor Sotto.

VICO SOTTO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with