Ang anay sa SEA games
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - November 18, 2019 - 12:00am

Ginisa ni Senator Franklin Drilon si Senator Bong Go at kinuwestyon ang awtoridad ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pamamahala ng SEA games. Nangyari ito habang dinidinig  ang panukalang budget ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa susunod na taon. Lumang isyu na ang “legal personality” ng PHISGOC lalo pa’t dalawang linggo na lang ay gaganapin na ang SEA games.

Ano ba ang motibo sa paghalukay ng mga lumang issues ilang araw bago ang opening ceremonies? Ang batikos ni  Drilon ay puwedeng magbunga ng demoralization sa ating mga atleta, at makasira sa reputasyon ng Pilipinas. Tama na ang utak talangka! Bigyan natin ng buong suporta ang ating mga atleta para makapokus sila sa kanilang pag­sasanay at paghahanda. Matapos ang labing apat na taon, muling mag-hohost ang Pilipinas ng South East Asian Games. Oportunidad ito sa ating bansa na ipakita sa buong mundo ang kagalingan nating mga Pinoy.

Kung ating matatandaan, kinaltasan ng Senado ng 33% ang pondo para sa SEA games mula sa P7.5 billion na naging P5 billion na lang. Buti na lang at nadagdagan ng P1 bilyon ang pondo ng SEA games hosting dahil sa tulong ng Office of the President. Saksi tayo sa puspusang pagtayo ng mga world-class sports facilities sa New Clark City. Na inayudahan ng pribadong sektor kaya naragdagan ang pondo sa paghahanda.

Beteranong  lawyer at mambabatas si Drilon. Dapat ay nagsagawa siya ng konting pananaliksik tungkol sa mga probisyon sa SEA Games Federation Charter. Sinasaad dito na ang pagdadaos ng SEA games ay pinapaubaya sa National Olympic Committee (NOC) o sa special Organizing Committee na itinalaga ng NOC. Malinaw din sa Charter ng SEA Games na ang kapangyarihan ng Organizing Committee ay matatapos din pagkatapos ng SEA Games.  

Si Presidente Duterte mismo ang nag-utos na hindi maaring hawakan ang Organizing Committee ng isang ahensiya lamang maging PSC o POC man ito. Sa gantong paraan, mas masisiguro na maiiwasan ang katiwalian dahil kung mas marami ang miyembro ng committee mas magkakaroon ng check at balance. 

Sa pamamagitan ng organizing committee, magkakaron ng “multi-sectoral” approach sa pagdaraos ng SEA games upang bigyan ng tsansa ang iba’t ibang sektor tulad ng kabataan, atleta at national sports associations na magkaroon ng boses at partisipasyon.

Ang malaking katanungan ngayon ay bakit pinapalaki ang isyu ngayon tungkol sa legal personality ng Organizing Committee kung naisagawa na ito noong 1991 at 2005? Malamang na nakukulayan ito ngayon ng pulitika kaya lalong gumugulo ang isyu.

SEA GAMES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with