Magpasalamat na lang
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - November 16, 2019 - 12:00am

BILANGAN. Ito naman ang pinagtatalunan ng administrasyon at mga kritiko ng gobyerno. Unang nagpahayag si Sen. Franklin Drilon na miyembro ng oposisyon na sa 75 proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” ng adminis­trasyong Duterte, siyam lang daw ang nasimulan. Ang problema raw ay “underspending” o ang hindi paggamit ng mga pondong nakalaan na para sa mga proyektong nakaplano lalo na’t mga dalawa’t kalahating taon na lang ang termino ni Duterte.

Kinontra naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang pahayag ni Drilon at may patama pa sa dating administrasyon ni Aquino na kahit isa ay wala raw nakumpletong proyektong imprastraktura. Agad din siyang sinita na kailangan lang daw tumingin sa mga rekord ng gobyerno para makita ang mga nasimulan at natapos na proyekto sa ilalim ng administrasyon ni Aquino. Ganundin ang depensa ng presidente at CEO ng BCDA na si Vivencio Dizon. Tingnan lang daw ang mga numero pero inamin na mas marami dapat silang nagagawa.  

Napakadali naman malaman kung totoo ang paha­yag ni Panelo. Tila sinasadyang magpahayag ng ganyan para lalong galbanisahin ang mga taga-suporta. Ang mga malalaking imprastrakturang proyekto ay hindi naman mabilis matapos. Ito rin ang sinabi ni Dizon. May mga malalaking proyekto na sinimulan pa noong administrasyon nila Arroyo at Aquino na baka ngayon lang natatapos. Kanino ibibilang o sino ang aangkin niyan? Sigurado ako maraming proyektong sinimulan ni Duterte na hindi rin matatapos sa loob ng dalawa’t kalahating taon. Tama bang angkinin ng susunod na administrasyon na kanila ang pro­yekto dahil sila ang nagtapos?

Para sa akin, magpasalamat na lang tayo at may mga proyektong natatapos kahit kanino pa nagsimula, at may mga proyektong matatapos din kahit sino din ang nagsimula. Natatandaan ko ang ipinahayag ni Finance Sec. Dominguez na ang mga administrasyon nina Arroyo at Aquino ang naglatag ng daan para madala ang bansa sa kasalukuyang “golden age of economic growth” sa ilalim ng administrasyong Duterte. Naiwasan ng administrasyon ni Arroyo ang malawakang pinansyal na krisis noong 2008, habang ang administrasyon ni Aquino ang maraming naipong pondo kaya pagpasok ni Duterte ay maganda ang balanse ng kaban ng bayan. Kaya sila nakapagsimula ng mga malalaking proyekto. Ang susunod na administrasyon ay pupurihin din naman ang panahon ni Duterte para sa mga nasimulan at natapos sa ilalim ng “Build, Build, Build”. Hindi ba puwedeng ganun na lang at ang mamamayan naman ang makikinabang ng mga proyektong iyan, hindi lang mga kanya-kanyang taga-suporta?

FRANKLIN DRILON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with