^

PSN Opinyon

Banta ni Isko

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

MAY katwirang magpuyos sa galit si Manila Mayor Fran­cisco “Isko Moreno” Domagoso matapos makita ang kabas­tusan ng vendors sa Divisoria (Binondo side) at Lawton Under­pass. Sa kabila ng kanyang pagsusumikap na pa­nga­siwaan ang kalinisan at kaayusan ng lungsod, may mga hindi nakauunawa sa kanya.

Nagmistulang tigre ang kaguwapuhan ni Isko nang makita ang tambak ng basura sa Ilaya St. corner C. M. Recto. Sa totoo lang mga suki, binaluktot pa nga ni Isko ang unang pahayag na “bawal magtinda sa Divisoria ang vendors at oras na makabalik sila, tiyak na tumatanggap na ako ng P5 milyon.” Kahit papaano pinagbigyan niya ang mga ito upang kumita nang marangal. Subalit may hangganan­ ang pasensiya ni Isko dahil hindi tumutupad sa usapan ang vendors kaya tinuldukan na niya. “Bawal nang mag­tinda sa Divisoria,” ito ang pahayag ni Isko sa harap mismo ng mga nagmamakaawang vendors. “Kayo ang sumira sa usapan kaya ako naman ang magpapa­tupad ng nararapat na aksyon upang kayo ay makapag-isip sa inyong pagkakamali. Ipinagbawal ko na ang tong collection nina Edi at Pati.”

Nag-iyakan ang mga vendors. Sa puntong ito, malinaw na ayaw magbago ng vendors sa kinagisnan nilang hanapbuhay kaya kahit na anong pagsusumikap ni Isko dedma lang sa kanila dahil patuloy silang namumuhay sa ilegal na pamamaraan. Ang masakit nito, hindi na nila maba­bawi ang ibinigay na pera sa organizer na nagpala­tag sa kanila sa kalye bukod pa rito sa pagkalugi ng kanilang puhu­nan dahil siguradong mabubulok na ang kanilang mga inangkat na paninda.

Sa Lawton underpass naman, nadismaya si Isko sa ginawang bandalismo ng ilang sira ulo. Milyong piso ang ginagastos sa  pagpapaganda ng kapaligiran subalit marami pa rin ang may saltik sa ulo at sinira ang kagandahan ng pader. Kaya sinabi ni Isko na sa sandaling mahuli niya ang mga nag-bandalismo, padidilaan niya sa mga ito ang ginawa sa pader kahit mag-alburuto pa sa galit ang taga-Commission on Human Rights, hehehe! Tama naman si Isko dahil ang ginagastos sa kagandahan ng Maynila ay galing sa kaban ng lungsod at ang ilan pa nga rito ay kaloob ng mga kaibigang nagmamalasakit sa proyekto.

At kabilang sa banta ni Isko na kapag hindi tumigil ang panbandalismo sa kagandahan ng Maynila, tatapyasan niya ang tulong sa Pamantasan at City of Manila University para gastusin na lang sa pagpaganda ng lungsod at pagbabayad sa mga guwardiya na magbabantay sa mga proyekto. Sa kasalukuyan abot langit ang pasang problema ni Isko mula nang umupo. Kabilang na rito ang kakapusan ng pananalapi ng lungsod. Ramdam na ni Isko ang kakapusan pundo para maitustos sa mga mahihirap niyang kababayan. Hindi naman kasi kaila na isang damakmak na palaboy ang naglilipana sa lungsod, halos walang patid ang pagtugis at pagdampot sa mga ito upang mailagay sa bahay kalinga ng lungsod at sa DSWD subalit ang ilan sa mga ito ay tumatakas at bumabalik sa mga lansangan.

Malinaw na ayaw ng mga palaboy na mailagay sa ayos. Ayon kay Isko, may mga magulang na nagtutulak ng kanilang mga anak na mamalimos sa kalye. Ipinahayag ni Isko na kung sino ang nagnanais na tumulong sa kanya na maresolba ito, mangyari na bigyan ang lungsod ng Maynila ng mga psychologist. Mahirap umanong gamutin ang utak ng ilang tao dahil ang nasa isip ay ang kumita ng pera sa madaling paraan. Subalit kung tatanungin ang nakararami, sumasaludo sila kay Isko sa kaayusan at kalinisan ng Maynila. Kaya panawagan ko kay Isko, huwag siyang tumigil sa magandang layunin.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with