Yorme, alam mo ba ‘to?
BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - November 13, 2019 - 12:00am

KAYONG mga kolokoy na kawani ng gobyerno na ina­abuso ang paggamit ng mga government vehicles sa pansariling lakad, simulan n’yo nang mag-ingat. Mapa-probinsiya man o Metro Manila, kapag nai-tip sa BITAG, sisilipin namin ‘yan.

Isang online tip na naman ang nakarating sa aming­ Face­book page. Ang impormasyon, dalawang sasakyang may pulang plaka ang laging nakaparada sa isang gimikan sa Maynila!

Ang unang sasakyan, ginagawa raw delivery vehicle ng mga alak sa isang resto bar sa Ermita. Habang ang isang sasakyan, tila ginagamit na service ng mga dayuhang customer at entertainer ng bar.

Ora mismo, minanmanan ng aming field investigators ang nasabing lugar upang kumpirmahin ang online tip.

Alas dose ng hatinggabi, Biyernes, napitikan ang nakaparadang Toyota Revo na may plakang SFG 778 sa tapat ng isang Japanese resto bar.

Eksaktong alas-2:30 ng madaling-araw, sapol sa Bitag surveillance camera ang pag-akyat-baba ng mga case ng alak sa likuran ng sasakyan.

Sinundan ito ng mga investigators hanggang warehouse kung saan kinukuha ang panibagong set ng mga case ng alak.

Habang ibinababa ang mga bagong supply, isa pang red plate vehicle ang dumating.

Ipinarada at pumasok sa resto bar ang sakay ng Ford Ranger na may plakang SAA 3678. Alas kuwatro na ng umaga nang muling lumabas ang drayber ng ikalawang sasakyang may pulang plaka.

Sa pagkakataong ito, may kasama na siyang isang Korean national at isang babaing mukhang entertainer. Sinundan pa rin ng aming team ang sasakyan at sa huli ay pinarada ito sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Sa rehistro ng Land Transportation Office (LTO), lumalabas na ang Toyota Revo ay nakapangalan sa barangay hall ng Bgy. 699 Zone 76. Ayon sa kasalukuyang chairman nito na si Kap. Edwin “Amo” Chan, idinonate na ng dating barangay chairman ang sasakyan sa isa ring dating konsehal.

Ang sinasabing dating konsehal na si Felixto D. Espiritu na ngayon ay City Administrator na ng Maynila ang siya rin daw may-ari ng Japanese resto bar kung saan madalas nakaparada ang red plate vehicle.

Nagpaunlak naman ng phonepatch interview si Manila City Admin Espiritu. Paliwanag niya sa akin sa ere, live sa Aksiyon Ora Mismo. Paglilinaw niya, pahiram lang daw sa kanya ang Toyota Revo na pinanghahakot ng alak at ang resto ay pag-aari ng kanyang anak.

Samantala ang Ford Ranger na may plakang SAA 3678, inamin niyang sa kanya ito nakapangalan. Kinumpirma rin niya na ang lalaking nagmamaneho noong napitikan ng BITAG Investigators ang kanyang sasakyan ay driver niya.

Samantala, itinanggi naman niyang kilala niya ang Koreano at babaing mukhang entertainer na sakay nito.  Hindi rin daw niya alam na tinatakas ng kanyang driver ang kanyang sasakyan para sa iba nitong mga lakad tuwing hatinggabi.

Nagpasalamat na lamang si Espiritu sa BITAG at natuklasan niya ang pagpupuslit na ginagawa ng kanyang tauhan. Nangako siyang iimbestigahan at didisiplinahin ang kanyang tauhan sa kalokohang ginawa nito.

Mayor Isko, nasa bakuran mo po lamang ito. Alam mo po ba ito?

Mga boss, mangilan-ilan na ang aming mga nasampolan at hindi kami mapapagod na suyurin ang buong Metro Manila para mahuli sa akto ang mga iregularidad sa komunidad.

Luzon, Visayas, Mindanao, bring it on! #ipaBITAGmo!

FACE­BOOK
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with