Ang lungsod ay para sa lahat
REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - November 13, 2019 - 12:00am

SA Batasang Pambansa kamakailan ipinahayag ng mga kongresista ng Metro Manila ang kanilang posisyon ukol sa napipintong pagtayo ng NLEX to C5 Northlink project, Segment 8.2. Kulang-kulang 18,000 na pamilya ang ma­aapektuhan ng higanteng proyekto. Tinatayang 8 barangay sa Quezon City ang dadaanan. 

 Ang mga kongresista, siyempre ay naging takbuhan ng mga botanteng apektado. Dahil dito, pinangatawanan nila ang obligasyon bilang mga representante na isulong ang interes ng mga biktimang pamilya mula sa kani-kani­lang distrito. 

Hindi na maaawat ang rutang lalatagan ng construction. Ang kapangyarihan ng gobyerno na magtayo ng mga imprastrukturang kailangan ng lipunan ay hindi naman maaaring kuwestiyunin. Basta may ilalatag na kalye o tulay o overpass, sa ganito kasikip na lungsod, wala nang dadaanan kung hindi sa itaas natin o di kaya ay mis­mong mga propiyedad natin ang sasagasaan.

Pihadong may maaagrabyado. Subalit ganun talaga kapag kinailangan ng kapakanan ng nakararami. Tutal, sinisiguro naman ng batas na may karampatang konsuwelo. Walang matatanggalan ng karapatan nang hindi natutulungan ng pamahalaan na mabawi man lang ang perwisyo. 

Sa Kongreso, inusisa ng mga Kongresista ang paglilipatang lugar ng mga pamilya. Ang plano ay sa Bulacan­ sila ililipat – sa mga loteng may bahay na itatatag ng NHA. Subalit ang karamihan ay nagnanais na sana’y mismong sa loob ng lungsod din mapunta. Pinatotohanan nina Cong. Kit Belmonte ng QC at ng Chairman ng Committee on Metro Manila na si Manila Congressman Manny Lopez na hindi ganun kaepektibo ang paglipat ng mga pamilyang natatanggalan ng titirahan kapag sobrang layo ito sa sentro ng lungsod. Imbes na maginhawahan o mabigyan man lang ng kasintulad na pagkakataon, pahirap lamang ang mararanasan.

 Kung kaya maganda ang panukala na magtatayo ang Metro Pacific ng mga matataas na condominium building kung saan papayag silang pagkasyahin. Importante ang ganitong mga programa ng pamahalaan para patunayan sa ating mga kababayang apektado na lahat tayo ay may pantay pantay na karapatan sa lungsod.

NLEX
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with