^

PSN Opinyon

Panahon na naman ng credit card fraud!

BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

ILANG linggo na lamang ay sasapit na ang dalawa sa pinakamalaking okasyon sa buong mundo. Ang kapanganakan ni Hesukristo (Pasko) at ang Bagong Taon 2020.

Kung mapapansin, tuwing mag-ookasyon ay nagiging aktibo ang mga dorobo. Mapasimpleng modus man yan o gawang sindikato, sa mga ganitong panahon tumataas ang istatistika ng mga nabibiktima.

Eto nga lang nakaraang linggo, nakaaalarma ang sunud-sunod na sumbong hinggil sa credit card fraud na dumarating sa aming tanggapan. Aktibo na naman ang sindikato na nagpapakilalang mga empleyado ng banko at tumatawag sa credit card holders.

Isang kaparehong kaso ang nakatawag ng aking pansin. Isang lolo, na-charge ng P50,000 sa kanyang credit card. Ang lumabas na transaksiyon, sa online shopping na “Shopee”. Kuwento niya sa akin, sa edad niyang ‘yun ay hindi siya tumatangkilik ng online shopping services.

Samakatuwid, itinanggi niya na ginawa niya ang purchase. Subalit isang transaksiyon sa kanyang credit card ang inamin niya sa akin. Nakatanggap daw siya ng tawag mula sa isang nagpakilalang staff ng Security Bank. Inalok daw siya kung gusto niyang mai-wave ang annual fee sa kanyang credit card for 5 years.

Sino ba nga naman ang tatanggi sa alok. Malaking diskuwento’t pabor ito sa mga depositor na tulad namin ni Lolo.

Here’s the catch, hiningi raw lahat ng impormasyon sa credit card ng matanda. Kailangan daw ito para ma-update ang record ng kanyang card sa database ng Security Bank. Ang problema, pati ang one-time PIN na itinext kay Lolo, naibigay niya. Hindi niya sukat akalain na iyon na pala ang kumpirmasyon ng isang online purchase transaction.

Ang pobreng matanda, nag-akalang siya’y makakamenos na sa pagbabayad sa banko. Laking gulat niya ng makatanggap ng text message sa banko na P50,000 ang halaga ng kanyang pinamili sa Shopee.

Agad siyang tumawag sa Security Bank upang agapan sana ang pag-charge ng pera sa kanyang credit card. Ang instruction sa kanya ng banko, tawagan ang Shopee. Subalit ayon sa customer service ng Shopee, puro prepaid cards na nagamit na ng nag-purchase kaya malabong mai-refund ang pera. Bukod pa rito ang sari-saring gadgets at digital items na shinopping ng dorobo.

Nakipag-ugnayan ang Bitag Pambansang Sumbungan sa Security Bank. Ayon sa bangko, posibleng mabawi ang singkwenta mil sa credit card ni Lolo pero maghihintay ito ng 30-45 days na takbo ng kanilang imbestigasyon. Sa kasalukuyan, pinalitan ng bagong card at account number ang credit card ni Lolo. Naka-block na rin ang lumang card ng matanda upang hindi na ito magamit ninuman.

May paalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ni Atty. Charina De Vera-Yap, Deputy Director ng Center for Learning and Inclusion Advocacy. Huwag na huwag magbigay ng kahit anumang impormasyon ng sariling credit card kahit kanino. Ang mga empleyado, representante at maging customer service ng banko ay hindi basta-basta tumatawag sa depositors at credit card holders.

Lalung-lalo na hindi ito manghihingi ng one-time PIN o password na tinext umano ng inyong banko sa inyong registered mobile number. Magduda ka na lalo na kapag hiningi ang CVV security code na nasa likod ng iyong credit o debit card.

Mga boss, ang credit card na ipinagkakaloob sa atin ng banko ay isang prebilehiyo. Kalakip nito ay ang pagiging responsable bilang card holder sa kabila ng pagpapautang ng banko ng walang collateral. Pag-ingatan at huwag basta gamitin ang inyong credit at debit cards kung saan-saan. Ang mga Pinoy pa naman, kapag may okasyon ay kaskas dito kaskas doon at walang humpay ang paggastos kahit na online.

Inaasahan ng BITAG na dadami pa ang mabibiktima ng credit card frauds. Sunud-sunod na ang paglalagay at pagdadagdag ng mga security features ng mga banko. Nasa tao na kung paiiralin ang kapabayaan at katangahan imbes na pag-iingat.

vuukle comment

CREDIT CARD FRAUD

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with