^

PSN Opinyon

Tinodas si Lola

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Unang bahagi)

ISANG kaso na naman ito kung saan ang desisyon ng korte ay base sa kredibilidad ng ebidensiya ng prosekusyon at ng akusado. Kadalasan, ang ebidensiya nila ay puro testimonya lang ng testigo ng magkabilang panig at gumagawa ng hatol ang hukom base sa kanyang narinig at nakitang reaksyon ng mga testigo. Ito rin ang pagbabatayan ng apela. Pero paano nga nalalaman ng hukom kung nagsasabi ng totoo ang mga testigo? Sa pag-aaral ng kredibilidad ng testigo ay tinitingnang mabuti ang kanilang kilos at laman ng testimonya. Tulad na lang ng ginawa sa kaso natin sa araw na ito.

Ang kasong ito ay tungkol kay Athan na asawa ni Isabel na apo naman ni Lola Fely na kilala sa komunidad bilang albularyo na gumagamot ng mga kagat ng ahas. Kinasuhan si Athan sa pagpatay kay Lola Fely. Para patunayan na ginawa niya ang krimen ay iniharap na testigo ng prosekusyon si Albert na anak ni Lola Fely, ang asawa nitong si Teresa at si Sarhento Panganiban. Ang doktor na sumuri sa bangkay ni Lola Fely ay tumestigo rin para patunayan kung paano pinatay ang matanda.

 Base sa kanilang testimonya, nangyari raw ang insi­dente ng pagpatay isang gabi na pumunta si Athan sa bukid para tingnan ang kanyang kalabaw. Isang magsasaka si Athan. Habang naglalakad patungo sa bukid ay nakagat siya ng ahas sa pinakamaliit na daliri ng kaliwang paa. Agad na pumunta ang lalaki sa bahay ni Lola Fely para magpagamot ng kagat ng ahas. Tinanggap naman siya ng matanda.

Walang inaksayang oras si Lola Fely. Kinuha nito ang gamot at inumpisahan ang paglilinis ng sugat. Pero bigla na lang hinugot ni Athan ang kanyang itak at pinagtataga si Lola Fely na naging sanhi ng tuluyang pagkamatay nito. Bumagsak sa sahig ang walang buhay na katawan ng babae. Pagkatapos patayin ang matanda ay hindi pa nakuntento ang lalaki at dumiretso naman sa bahay ng kanyang mga biyenan na sina Albert at Teresa. Ang mag-asawa naman ang balak patayin ng buhong. Pero hindi niya nagawa ang maitim na balak. Hindi siya pinapasok ni Albert sa loob ng bahay.

Hindi nagtagal ay pumunta sa munisipyo si Athan at kusang sumuko sa mga pulis. Pati ang bolong ginamit niya sa pagpatay kay Lola Fely ay ibinigay niya kay Sarhento Panganiban. Ang sinabi ni Athan sa sarhento ay inunahan lang niya ang matanda na papatayin daw siya sa pamamagitan ng pambabarang.

Nang tumestigo si Athan sa korte ay sinabi niya na aksidente lang ang nangyaring pagkakapatay niya sa matanda. Inutusan daw siya ni Lola Fely na buksan ang sugat ng kagat ng ahas gamit ang kanyang itak para mapalabas ang kamandag. Habang pinapadugo ang sugat ay aksidente niyang napatay ang ilaw ng gasera na nasa sahig kaya sisindihan sana ulit ng matanda ang lampara. Yumuko raw ang babae sa gasera samantalang inangat naman niya ang kamay na may hawak sa itak. Saktong nasapol ng talim ng itak ang kanang dibdib ni Lola Fely at tumusok sa mismong suso nito dahilan ng agad na pagkamatay ng matanda. Nang maunawaan ang kanyang ginawa, humingi siya ng tawad kay Lola Fely at agad na tumakbo palayo. (Itutuloy)

vuukle comment

KREDIBILIDAD NG EBIDENSIYA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with