^

PSN Opinyon

Lusot sa rape (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

PARA paniwalaan ang testimonya ng isang testigo, kailangan na galing ito sa bibig ng isang kapani-paniwalang tao at dapat ay kapani-paniwala rin ang kanyang sinasabi.  Ito ang aral sa kaso. Tinatalakay din ang patakaran tungkol sa pagrespeto ng Supreme Court sa tinatawag na “factual findings” ng mababang hukuman. Lalo at sila ay nagkaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang kilos at reaksyon ng mga testigo habang nakasalang sa korte. Mas nasa posisyon sila para obserbahan at pag-aralan ang kredibilidad ng mga testigo. Ito ang kaso ni Michael.

Kinasuhan ng piskalya si Michael sa RTC ng probinsiya para sa krimen ng rape. Ang nagsampa ng reklamo ay si Lexa na ex-girlfriend ni Michael. Sa paglilitis ng kaso, magkakontra ang sinasabi ng prosekusyon at ng depensa tungkol sa mga nangyari.

Ayon kay Lexa, naging magsiyota sila ni Michael sa pamamagitan lang ng mga text message. Tumagal lang daw ng walong buwan ang kanilang relasyon dahil sa Maynila na nag-aral ang babae. Nakipaghiwalay daw siya sa lalaki para mas mapagtuunan ng pansin ang kanyang pag-aaral.

Ayon sa kuwento ni Lexa, pagkatapos ng simbang gabi, nauna siyang umuwi sa kanyang ina na si Mylene. Sumama pa kasi ang nanay niya sa mga kasamahan sa simbahan samantalang dumiretso na siya ng uwi ng bandang 11:30 ng gabi. Pagdating ng bahay, agad siyang nakatulog nang makarinig ng mga katok. Sa pag-aakalang nanay niya iyon ay pinagbuksan niya ng pinto ang kumakatok. Si Michael pala ang kumakatok. Medyo lasing ang lalaki at nagmamakaawa na mag-usap sila.

Bantulot man si Lexa pero bandang huli ay pinapasok na rin ang lalaki sa loob ng bahay. Nag-usap sila sa loob ng 45 minuto pero nang mukhang wala na ring mangyayari sa kanilang usapan, pinauwi na ang lalaki. Tumalikod na si Lexa papunta sa kuwarto nang biglang may ini-spray sa kanyang mukha ang dating siyota. Bigla raw siyang nakaramdam ng pagkahilo at panghihina. Sinamantala ito ni Michael at hinubaran siya ng damit sabay pinaghahawakan sa maseselang parte ng katawan. Hindi pa nakuntento ang buhong at walang awa siyang pinagsamantalahan. Wala raw nagawa si Lexa kundi ang umiyak hanggang tuluyang mawalan ng malay.

Tumestigo rin si Mylene. Ang salaysay niya, bandang alas dos daw ng madaling araw nang makauwi siya ng bahay. Kinatok daw niya ang kuwarto ng anak pero walang sumasagot. Ang ginawa niya ay kinuha ang susi at binuksan ang pinto ng kuwarto. Laking gulat niya nang makitang nakahubad ang anak at walang malay. Nagkalat din ang mga damit ng kung sino sa sahig. Naghinala siya at naghanap sa loob ng kuwarto hanggang makita si Michael na nagtatago sa ilalim ng kama at nakasuot lang ng brief. Nagsisigaw daw si Mylene para humingi ng tulong. Nagising naman sa kabilang bahay ang kapatid niyang si Ethel na kapitana sa kanilang barangay. Dumating ang ilang tanod at dinala si Lexa sa kabilang kuwarto. Samantala, nagising naman si Lexa sa sigaw ng kapatid na si Andrew na noon ay hawak sa braso si Michael na aktong tatalon sa bintana ng kuwarto ni Lexa. Dumating ang mga tanod at inaresto si Michael.

Samantala, pinipilit naman ni Michael na hindi niya ginahasa si Lexa dahil ang totoo raw ay malaya lang nilang pinahayag ang damdamin nila sa isa’t isa kahit pa nagkahiwalay na sila.

(Itutuloy)

vuukle comment

SUPREME COURT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with