PET decision ilabas na!
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - October 23, 2019 - 12:00am

SABI ng marami, ang puwede lang makapandaya sa mga political exercises ay ang partidong nasa poder. Kaugnay ng protesta ni Bongbong Marcos sa pagkapanalo ni Leni Robredo bilang Vice President, napatunayang mali ang teorya. Sa muling pagbibilang ng Presidential Electoral Tribunal (PET), lalung lumaki ang lamang ni Robredo kay Marcos. Pero bakit nakabitin pa rin ang final decision kaugnay nito?

Alam natin na ang minamanok ng Pangulong Duterte ay si Marcos, pero kinukumpirma ng PET sa resulta ng muling bilangan sa may tatlong lalawigan na sadyang­ ang oposisyunistang si Robredo ang nanalo no­ong 2013. Kung magsusuri tayo, malayo sa katotohanan ang alegas­yon ni Marcos na siya ay dinadaya sa pagka-Vice President­. Si Marcos mismo ang pumili sa mga lalawigang ito na sinasabing niyang “nadaya” siya: ang Cama­rines Sur, Iloilo, at Negros Oriental. 

Ngunit lumamang pa ng higit 15,000 si Robredo sa tat­long probinsya na itinuturing na balwarte niya at ng kaniyang partido. Kinokontra ng kampo ni Marcos ito. Anila, “fake victory” daw ang pagkapanalo ni VP Leni. Tipikal na sagot ito ng mga hindi makatanggap ng pagkatalo.

Kitang-kita sa ulat ng PET ang tunay na resulta sa boto­­han. Kapwa may representasyong nagbabantay sina Bong­bong at VP Leni, pati na rin ang mga representante ng PET, sa ginawang recount at hindi sila puwedeng umimbento ng sariling bersyon ng katotohanan.

Iginigiit ng kampo ni VP pati na ng mga poll experts noon pa man na dapat maibasura ang protesta ni Marcos. May sariling sinusunod na guidelines ang PET: dapat maka­bawi ng malaking boto si Marcos sa recount para gumulong ang kaso. Pero baliktad ang nangyari, si Rob­redo ay lalung lumamang! Kung ga­yon, bakit pina­hahaba pa ng Korte Suprema ang proseso sa kasong tatlong taon nang nililitis ng PET?

Sa mga maraming kasong niresolba ng PET, sinunod nito ang Rule 65 dahil hindi nakabawi ng malaking boto ang nagsampa ng protesta sa isinagawang recount. Bakit hindi magawa ito sa protesta ni Marcos?

Hindi natin pinangungunahan ang kataas-taasang hukuman. Pero nagtatanong ang taumbayan sa pagkabalam ng pinal na desisyon nito. 

Habang nakabitin ang kaso, patuloy namang nagkakawatak-watak ang sambaya­nan at ito’y hadlang sa ating kaunlaran.

BONGBONG MARCOS LENI ROBREDO PRESIDENTIAL ELECTORAL TRIBUNAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with