EDITORYAL – Ibangon ang imahe ng PNP
(Pilipino Star Ngayon) - October 22, 2019 - 12:00am

NADUNGISAN na naman ang imahe ng Philippine National Police (PNP) dahil sa ginawa ng 13 “ninja cops”. Bagsak na naman ang grado sa mamamayan. Maganda na sana ang ipinakikita dahil unti-unti nang naitutuwid ang mga tatamad-tamad na pulis pero muling umalingasaw dahil sa drug recycling. Pati si dating PNP chief Oscar Albayalde ay nasa balag ng alanganin dahil ipinauubaya na sa Ombudsman ang kanyang pagkakasangkot sa kaso. Sabi ng Senate Blue Ribbon committee, may pananagutan si Albayalde at ang 13 “ninjas” sa kaso ng droga at graft.

Kahit pa raw nagbitiw na o nagretiro na ito, maaari pa ring habulin. Nagbitiw noong nakaraang linggo si Albayalde at itinalaga si Lt. Gen. Archie Gamboa na officer-in-charge ng PNP habang hindi pa nakakapili si President Duterte ng bagong hepe.

Nagalit ang Presidente sa nangyaring pagkakasangkot ng mga pulis sa drug recycling. Sa ginawang meeting sa mga matataas na pinuno ng PNP, pinagmumura ang mga ito. Nadismaya ang Presidente sapagkat ang inaasahan niyang mga pulis na magpapatupad ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga ay pasimuno pala sa pag-recycle.

Kumikita pala ang mga ito ng milyon sa kabila na tinaasan na niya ng suweldo. Hindi pa nasiyahan sa kanyang pinagkaloob na mataas na suweldo at naghangad pa nang malaki mula sa masamang paraan.

Noong linggo, ipinatupad ang balasahan sa mga matataas na pinuno ng PNP. Ni-reshuffle ang mga ito. Nilipat sa iba’t ibang departamento. Mahigit 20 PNP officials ang ni-reshuffle.  Ang utos ay nangga­ling mismo sa OIC ng PNP na si General Gamboa at agad naging epektibo ng araw na iyon. Ang direktiba ni Gamboa ay dahil na rin sa utos ng Presidente.

Tama ang ginawang ito. Dapat magkaroon ng reshuffle para hindi nabubuo ang “bata-bata” sa PNP. Sa hearing ng Senado na nag-imbestiga sa ninja cops, inakusahan si Albayalde na inaarbor ang mga “bata” niya na sangkot sa drug recycling. Dapat laging isagawa ang reshuffle para maiwasan ang “bata-bata”.

Magkaroon pa ng maigting na internal cleansing sa PNP. Nararapat maibangon ang nadungisang imahe ng pambansang pulisya dulot sa recycling ng droga.

NINJA COPS PHILIPPINE NATIONAL POLICE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with