EDITORYAL - Delikado sa kalusugan ang e-cigarettes
(Pilipino Star Ngayon) - October 21, 2019 - 12:00am

NAG-VIRAL sa social media ang pagbi-vape ng isang lalaki habang nasa isang pampublikong sasakyan. Marami ang sumaway sa kanyang pasahero sapagkat nakasusulasok ang ibinubugang usok. Pero walang pakialam ang lalaki at nakiki­pagtalo pa sa mga pasahero. Sa ginagawa ng lalaki na pagbi-vape, salat siya sa kaalaman na mahigpit na ipinagbabawal ang paghithit nito sa mga pampublikong lugar o sasakyan. Mapanganib sa kalusugan ang vape o electronic cigarettes at hindi lamang ang gu­magamit nito ang apektado kundi pati na rin ang mga nakalalanghap ng second hand smoke.

Marami nang kaso nang pagkakasakit dahil sa paggamit ng e-cigarettes sa United States. Sa latest report, mayroon nang 26 na namatay at 1,299 ang nagkasakit dahil sa paggamit nito. Ayon sa report, mabilis ang pagkakasakit ng mga indibidwal na gumamit ng vape at patuloy na iniimbestigahan ito. Sa loob lamang umano ng 90-araw na paggamit ng vape ay marami na agad nagkasakit at ang nakapagtataka ang mga gumamit ay dati namang malusog ang pangangatawan.

Naaalarma na ang Department of Health (DOH) kaya nagbigay sila ng babala sa mga gumagamit ng e-cigarettes. Katulong ng DOH ang World Health Organization (WHO) sa pagbibigay ng babala ka­sunod ng mga pagkakasakit na naitala sa US dahil sa e-cigarettes.

Sabi ni DOH Sec. Francisco Duque III, kumpara sa sigarilyo, mas matindi ang nakalalasong kemikal na nakahalo sa e-cigarettes. At hindi lamang ang gumagamit nito ang apektado kundi pati na rin ang nakalalanghap ng second hand smoke. Damay din sa pagkakasakit ang nakalanghap. Delikado itong malanghap ng mga batang kasama sa bahay sapagkat maaari silang magkasakit. Kaya ang panawagan ni Duque, itigil na ang paggamit ng e-cigarettes sapagkat hindi ito mabuti sa katawan. Hinihikayat ng DOH ang mga kabataan, ganundin ang mga buntis na huwag gumamit nito.

Sa aming opinion, isang epektibong paraan para walang gumamit ng e-cigarettes ay ang itaas ang excise tax nito katulad ng ginawa sa sigarilyo. Ayon sa report, mula nang itaas ang buwis sa sigarilyo nabawa­san ang mga nagyoyosi dahil sobrang taas ng pres­yo. Ganito rin ang gawin sa e-cigarettes para walang tumangkilik. Lubhang mapanganib ito sa kalusugan.

E-CIGARETTES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with