Nagkagulo dahil sa basura (Part 1)
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - October 20, 2019 - 12:00am

ALINSUNOD sa batas (Art. 358 Revised Penal Code), ang pagbibintang ng krimen, bisyo, depekto, o anumang paratang na bagay, kilos o kakulangan, maging totoo man ito o hindi, na nakasisira sa dangal, o kredibilidad ng isang tao na sinabi sa harap ng publiko ng may malisya ay tinatawag na “oral defamation” o “slander”, sa madaling salita ay paninirang puri. Imbes na isulat ay sa pananalita ipinahahayag ang paninira sa kapwa at gumagamit ng mga salita ang akusado na sadyang nakasisira o nakapagpapahamak sa reputasyon, opisina, posisyon, negosyo o ikinabubuhay ng biktima. Maaaring mabigat (grave) o magaan (slight) lang ang ginawang krimen. Kailan ba masasabi na mabigat ito at ano ang ginagawang basehan? Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ni Grace.

Nangyari ang kaso isang hapon nang naroon si Grace sa bahay ng kapitbahay niyang si Gina. Sa testimonya ni Grace, nagdidilig siya noon ng halaman nang mapansin ang 5 estudyante na pumulot ng mga tuyong dahon at ihagis ito sa kanyang bakuran ayon daw sa utos sa kanila. Sinita ni Grace ang mga bata at nagtakbuhan ang mga ito papunta sa eskuwelahan kung saan naman nagkataon na nagtuturo si Gina. Maya-maya pa, pumunta si Grace sa bahay ni Gina at inihagis ang basura sa bakuran nito sabay nagsisigaw kung sino raw ang dapat na sisihin sa pagtatapon ng mga tuyong dahon. Malamang daw ay ang babae dahil siya ang naging pasimuno sa isang birthday.

Doon na nagsimula ang pag-aaway ng dalawa hanggang magbitaw ng maaanghang na salita si Grace sa Tagalog na ibig sabihin ay “puke ng ina mo, puta, boba, dumidilim ang bahay ko dahil sa laki ng bahay mo”. Ang naging pag-aaway nila pati ang mga binitawang salita ni Grace ay pinatotohanan ng anak ni Gina na si James pati ng kaibigan nito na noon ay  nasa kasarapan ng panonood ng telebisyon at napalabas lang ng bahay dahil sa pagkakagulo ng dalawang babae.

Nilitis si Grace para sa kasong “Grave Oral Defamation” kung saan si Gina, ang anak na si James at ang kaibigan nito ang tumayong mga testigo tungkol sa insidente. Todo tanggi naman si Grace sa kanyang pinagsasabi. Naglalakad lang daw siya sa iskinita sa pagitan ng bahay ni Gina at ng isa pang kapitbahay nang mapansin si Gina na nakatayo sa loob ng bakuran nito at pinagbibintangan siya na nagtapon ng basura roon. Nagalit daw bigla ang babae at pinagsabihan siya na huwag na muling dadaan doon dahil hindi naman siya ang may-ari ng lupa at wala siyang titulo.

Ayon pa kay Grace, pumunta siya sa pulis at isinumbong ang insidente sabay nagsampa ng kontra demanda para sa “Grave Coercion” laban kay Gina. Sinang-ayunan naman ng mister niyang si Ramon ang kanyang mga pahayag at nagpatunay pa na hinatak na lang daw nito ang misis nang makitang nagkakagulo ang dalawang babae at may hawak na si Gina na dalawang bato at akmang hahablutin si Grace. (Itutuloy)

WASTE MANAGEMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with