Ituloy ang serbisyo
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - October 16, 2019 - 12:00am

Bumitiw na bilang PNP chief si Gen. Oscar Albayalde noong Lunes, halos tatlong linggo bago ang pagreretiro sana sa Nobyembre.

Nilagay ang sarili sa “off-duty” para makapili na raw si President Duterte ng kanyang kapalit. Ito raw ang pinakamabuti para sa PNP. Iginiit na hindi siya sangkot sa anumang iregularidad sa nasabing buy-bust na operasyon sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Sa mga imbestigasyon sa Senado, lumabas nga ang lahat ng iregularidad, taliwas na salaysay, kasinungalingan mula sa grupo ni Major Baloyo na walang maisagot na tama tungkol sa operasyon. Napakaraming ebidensiya para kontrahin ang mga pahayag ni Baloyo. Nakapagtataka kung bakit demosyon lang ang naging parusa nila.

At dito na nga nahila si Albayalde sa kontrobersiya. Batay sa salaysay ng dalawang nag-imbestiga sa grupo ni Baloyo, nagpakita ng interes si Albayalde sa magiging tadhana ng “kanyang mga tao”. Ayon sa mga senador, hindi niya dapat ito ginawa.

Hindi siya dapat tumawag sa mga imbestigador at kung totoo ang pahayag nila, nagpahiwatig na huwag ituloy ang dismissal sa 13 pulis. Sa totoo nga, hanggang ngayon ay hindi makuha ni Albayalde na magalit kay Baloyo at ang kanyang grupo. Pati si Sen. Bato dela Rosa ay wala masyadong sinabi sa mga imbestigasyon. Tila ayaw ipitin ang mga pulis kahit malinaw na mga tiwali.

Sa kanyang talumpati noong Lunes, hinikayat ni Alba­yalde ang pulisya na ituloy ang pagserbisyo sa mga mamamayan at huwag masiraan ng loob sa mga nagaganap na pagsubok. Pagsubok ba ang nauungkat na mga kontrobersiya tulad ng buy-bust operation na ito?

Kung hindi nagsalita sina PDEA director general Aquino at dating CIDG chief Benjamin Magalong, wala nang papansin sa grupo ni Baloyo. Sino ang sinilbihan nina Baloyo? Malinaw na sarili nila. Malaki ang kailangang gawin ng kapalit ni Albayalde para maayos ang imahe ng PNP.

Sa kabila ng sinasabi nilang matagum­pay na kampanya laban sa iligal na droga, ganito naman ang lulutang. Ngayon hinihintay ng mamamayan kung ano na ang mangyayari sa grupo ni Baloyo. Ang dapat mangyari sa grupo ni Baloyo. Kung kakasuhan si Albayalde ay hindi pa masabi, kahit ipinahayag nina Senators Gordon at Drilon na sapat na ang ebidensiya laban kay Albayalde.

CHIEF SI GEN. OSCAR ALBAYALDE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with