EDITORYAL — ‘Di-dapat maging kampante kahit bumaba ang kaso ng dengue
(Pilipino Star Ngayon) - October 14, 2019 - 12:00am

MAGANDANG balita ang inihayag ng Department of Health (DOH) bumaba umano ang kaso ng dengue noong nakaraang buwan. Pero hindi raw dapat maging kampante ang mamamayan kahit bumaba ang dengue cases. Kailangan pa rin na maging vigilant at ipagpatuloy ang paglilinis sapagkat nasa paligid-ligid lang ang mga lamok na naghahatid ng dengue virus.

Lahat ay maaaring tamaan ng dengue. Maski nga si presidential daughter Kitty Duterte ay nagka-dengue at naospital noong nakaraang linggo. Ito ang dahilan kaya hindi mapalagay ang loob ni President Duterte habang nasa Russia. Inaalala niya ang kalagayan ng anak. Hindi umano makatulog ang Presidente nang malamang nagka-dengue ang anak at nasa ospital. Si Kitty ay isa sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Naging kontrobersiyal ang Dengvaxia sapagkat marami sa mga batang nabakunahan noong 2016 ay lumubha ang kalagayan. Ayon sa Sanofi Pasteur, nararapat lamang itong ibigay sa mga nagka-dengue na. Itinigil ng pamahalaan ang pagbibigay ng Dengvaxia kasunod din naman ng desisyon ng Food and Drug Administration (FDA) na perma­nente nang i-revoke ang certificates of product registration (CPRs) ng French pharmaceutical com­pany. Unang binawi ng FDA ang CPRs ng Sanofi noong nakaraang Pebrero.

Ayon sa desisyon ng DOH noong Agosto 20, ang pagtanggi nila sa apela ng Sanofi na mabigyan ng CPRs ay walang kinalaman sa Dengvaxia vaccine. Hindi nila tinatawaran ang bakuna. Ang desisyon nila para huwag bigyan ng CPRs ay dahil sa kabiguan ng Sanofi na makapagbigay ng documentary evidence kung epektibo ang bakuna sa publiko.

Ang kalinisan sa loob ng bahay at kapaligiran­ ang susi para mapigilan ang pagkalat ng mga lamok na may dengue. Ipagpatuloy ang nakaugaliang pag­lilinis. Itapon ang mga basyo ng bote, lata, gulong ng sasakyan, paso ng halaman sapagkat dito nangi­ngitlog ang mga lamok. Kapag nakitaan ng sintomas ng dengue ang mga anak, dalhin sa doctor. Ang mga sintomas ng dengue ay lagnat, pagka­karoon ng pantal-pantal sa balat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan at pagsusuka. Huwag ipagwalambahala ang dengue.

DEPARTMENT OF HEALTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with