Hindi lang mga bilanggo, pati BuCor dapat repormahin (1)
INAROK ng Senado ang ugat ng maraming nabunyag na kabuktutan sa Bureau of Corrections (BuCor). Lumabas na walang mali sa Good Conduct Time Allowance law ng 2013. Ang may problema ay BuCor.
Tama lang na bigyan ng pagkakataon ang bilanggo na makapag-bagong buhay. Ilang siglo nang ipinatutupad sa kapuluan ang rehabilitative justice. Ang unang Bilibid ay noon pang panahon ng Kastila. Nadadalaw ng kamag-anak ang mga bilanggo sa Maynila. Panahon ng Amerikano nang buksan ang Iwahig Penal Colony, Palawan, 1903 at Davao Penal Colony, Mindanao, 1930. Mga preso ‘yon, pero sakahan din para matuto at kumita ang mga bilanggo at pamilya nila. Inilipat ng Commonwealth government ang Bilibid sa mas malawak na lupain sa Muntinlupa nu’ng 1940. Mula nang itatag ang Republika nu’ng 1947 humusay nang humusay ang sistemang penology at parole para mareporma ang mga kriminal. Itinayo ang Sablayan Penal Colony, Mindoro, 1954. At gumawa ng mga sariling piitan ang mayayamang lungsod at probinsiya, para sa mga nililitis at magagaang sentensiyado.
Ang masama, isiniksik ang karamihan ng sentensiyado sa New Bilibid Prison, Muntinlupa. Nahirapang dumalaw ang mga taga-malalayong pook. Nabuburyong imbes na mareporma ang bilanggo na walang dalaw -- parang walang nagmamahal sa kanila kaya naglalaho rin ang pag-asa.
Balik sa bagong GCTA law -- na mas pinagandang parole system -- sinamantala ng opisyales ng BuCor ang paraan ng paglaya. Nangikil sila ng suhol, P50,000-P2,500,000, para doktorin at iproseso agad ang papeles. Nauna pang pinalaya ang mga mapeperang karumal-dumal na kriminal, na hindi sakop ng GCTA law. Sa 22,000 na nabiyayaan ng pinaiksing sentensiya sa ilalim ng GCTA law, 1,914 ay mga nanggahasa, pumatay, nangkidnap, nanunog, terorista, nandambong, nangalakal ng tao pati bata at nagbenta ng droga. Nasira tuloy ang imahe ng GCTA at pinagdudahan kung karapat-dapat ang marami pang mga pinalaya.
- Latest