Pasalubong na prutas at gulay ng OFW, kinumpiska sa Clark Airport!
BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - October 4, 2019 - 12:00am

ALAM namin sa BITAG ang hirap na dinadanas ng overseas Filipino workers (OFWs), para kumita ng pera. Kakayod na parang mga kalabaw para may maibigay sa kanilang mga pamilya.

Kaya laking inis na lamang ng isang OFW galing Hong Kong nang maharang ang mga dala niyang pasalubong noong Setyembre sa Clark International Airport (CRK). Kuwento niya sa akin, hindi naman daw ito ang unang beses na nagdala siya ng mga prutas at gulay galing ibang bansa. Sa katunayan, noong Mayo 2019, parehong pasalubong din ang dala niya pauwi sa Pilipinas pero hindi naman siya hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kaya kataka-takang ganoon na lamang ang pagkum­piskang ginawa sa bitbit niyang pasalubong para sa pa­milya. Paliwanag daw sa kanya ng mga kawani ng CRK, kinum­piska ang mga prutas at gulay niyang dala bilang suporta sa local farmers. Wala namang problema rito, pero tanong ng BITAG, kaninong bituka kaya napunta ang mga nakum­piskang pasalubong?

Para linawin ang lahat, kinapanayam namin ang Bureau of Plant Industry (BPI) on air sa Pambansang Sumbu­ngan Aksyon ora Mismo. Paliwanag nila, matagal na raw ipi­nag­babawal ang pagdadala ng agricultural goods galing ibang bansa papuntang Pinas lalo na kung walang sanitary certificate. Nagbigay na rin daw sila ng advisory sa mga airlines kung anong mga pasalubong ang kinukumpiska dahil iniiwasan nilang kumalat ang plant diseases galing ibang bansa.

Wala naman akong problema sa pagsunod nila sa protocol dahil para ito sa kapakanan ng mga magsasakang Pilipino at kalusugan ng mga Pilipino. Kung totoong may ganitong kautusan, paanong lumusot pa ang kaparehong pasalubong ng nagrereklamo nito lang Mayo sa NAIA pa mismo? Bakit sa airline pa lang doon sa Hong Kong ay hindi sinaway ang ale sa kanyang mga bitbit na pasalubong?

Yes, ignorance of law excuses no one. Pero paano ka nga naman hindi magiging ignorante sa batas kung ang awtoridad na nagpapatupad nito ay hindi maayos ang pagpapakalat ng impormasyong dapat alam ng lahat?

Sa inyo diyan sa Bureau of Plant and Industry, tutal naman, sangay din kayo ng gobyerno, bakit hindi kayo humingi ng tulong sa PTV4 na state network sa pagpapakalat ng impormasyon? Kahit sa amin, meron kaming All-Points Bulletin na tinatawag sa BITAG Live at Aksiyon Ora Mismo. Puwede naming ipalabas ang inyong anunsiyo nang libre.

Sa BITAG Pambansang Sumbungan hindi lang kami puro reklamo’t solusyon, hindi lang kami bihasa mamBITAG, tulay din kami para maipahatid ang impormasyon sa publiko, sa loob o labas man ng Pinas.

Ang akin lang mga boss, nagkulang ang ahensiya sa information dissemination. Kung naipakalat ng maayos sa publiko ang mga ipinagbabawal, hindi na sana aabot pa ang mga reklamong tulad nito.

OFWS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with