EDITORYAL - Pagbayarin ng danyos si Sanchez
(Pilipino Star Ngayon) - September 8, 2019 - 12:00am

SOBRANG sakit ang naranasan ng Sarmenta at Gomez family mula nang patayin sina Eileen at Allan noong 1993. Ginahasa pa si Eileen. Ang mga akusado ay kinabibilangan ng dating mayor ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez at pito niyang bodyguards.

Mas lalong umantak at nanariwa ang sugat ng dalawang pamilya nang mapabalita na lalaya ang dating mayor na nahatulan ng pitong habambuhay na pagkabilanggo. Isinama sa listahan si Sanchez na mapapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA). Pero napigil ang pagpapalaya nang makaabot sa kaalaman ni President Duterte. Hindi dapat palayain si Sanchez sapagkat hindi ito kuwalipikado. Karumal-dumal ang kanyang ginawa. Makalipas ang ilang araw, sinibak na ng Presidente si BuCor chief Nicanor Faeldon dahil sa pagsuway nito sa utos na pagpapalaya sa mga bilanggong may “heinous crime”.

Bahagyang nakahinga nang maluwag ang Sarmenta-Gomez family sa pagpigil sa pagpapalaya kay Sanchez. Nahalungkat naman sa pagdinig sa Senado noong nakaraang Lunes na hindi pa pala nababayaran ng danyos ang dalawang pamilya. Lumipas ang 26 na taon pero ni kusing ay walang ibinayad ang akusado.

Ipinag-utos noong 1995 ni Judge Harriet Demetriou na magbayad ang mga akusado na kinabibilangan      ni Sanchez at kanyang bodyguards ng P12.6 milyon. Pero ang utos ay binalewala ng mga akusado. Maski ang mga senador ay nagimbal noong Lunes nang malaman na wala pang naibabayad ang convicted mayor. Kinumpirma ni Mrs. Sarmenta, wala pang naibabayad si Sanchez kahit may utos ang korte.

Sabi ng mga senador na nag-iimbestiga, hindi talaga magiging kuwalipikado si Sanchez sapagkat hindi pala ito sumusunod sa batas na dapat magbayad ng danyos sa mga biktima.

Nang dumalo naman sa pagdinig noong Martes ang asawa at mga anak ni Sanchez, sinabi ng mga ito na hindi sila magbabayad sapagkat wala namang kasalanan ang dating mayor. Nang mangyari raw ang krimen ay kasama nila si Sanchez. Hindi raw sila magbabayad.

Ang Department of Justice (DOJ) ang nararapat gumawa ng paraan kung paano pagbabayarin ang mga nahatulan. Sila ang nararapat mag-utos sa convicted mayor. Dapat ipatupad ang pasya ng hukuman.

ANTONIO SANCHEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with