^

PSN Opinyon

Sino ngayon ang masusunod?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAGSIMULA na ang pagdinig sa Senado hinggil sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance Law (GCTA) kung saan 1,900 bilanggo na may kasong heinous crimes ang pinalaya na dahil binawasan ang kani-kanilang sentensiya. Kabilang nga sana si Antonio Sanchez sa mga makakalaya pero dahil sa tinding galit at batikos na inabot ng gobyerno, hindi ito natuloy at ngayon ay iniimbestigahan kung bakit napalaya ang mga kriminal na iyan na hindi umano saklaw ng GCTA at dapat panghabambuhay nang nakakulong. Mabuti pala nalaman ng publiko ang mangya­yari na sana.

Sentro muli sa kontrobersiya si BuCor chief Nicanor Faeldon. Nalaman na ilang Chinese drug lords at ang mga nahatulan sa kasong panggagahasa at pagpatay sa magkapatid na Chiong ng Cebu ang pinalaya na sa ilalim ng GCTA. May balita na pati mga tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima ay nakalaya na rin. Ayon kay Faeldon, sinun­dan lang daw niya kung paano ang kalakaran hinggil sa pagpapatupad ng GCTA magmula pa noong 2014. Sa madaling salita, wala silang pakialam o hindi na nagtanong kung bakit makakalaya ang ganyang klaseng mga kriminal.

Ang nakapagtataka ay kung bakit mga “high-profile” na preso ang tila unang dumaan sa proseso. Inamin pa nga na nakausap niya ang pamilya ni Sanchez pero itinangging nangako na mapapalaya na. Iba naman ang sinasabi ng pamilya. At akala ko ba galit na galit ang administrasyong ito sa iligal na droga? Bakit pati mga drug lord ay nakalaya na? Dahil mga Chinese? Pati sa ilalim ni Sen. Bato dela Rosa may napalayang drug lord noong siya ang BuCor chief. Sa kanya pa nanggaling na sunugin daw ang mga bahay ng drug lords, hindi ba? Pero isang pirma lang pala, laya na.  

Ngayon, ang sakit ng ulo ng gobyerno ay ang kanilang ipinahayag na kailangang ibalik sa kulungan ang mga pinalayang preso dahil sa “heinous crimes” at hindi naman daw sila karapat-dapat na makinabang sa GCTA. Sang-ayon nga ako sa pahayag ni Sen. Gordon na bakit ang lipunan ang magdudusa sa paglaya ng mga kriminal na ito. Sino nga naman ang may gustong makalaya ang mga iyan, kung reclusion perpetua nga ang sentensiya sa kanila?

Pero may mga abogadong nagsasabi na hindi puwedeng bawiin ang mga ipinalaya na. Kaya paano na iyan? Sino ngayon ang masusunod? Ayon kay DOJ Sec. Guevarra kailangan ang Korte Suprema ang magdedesisyon kung ano ang gagawin sa mga pinalayang preso sa ilalim ng GCTA. Sana naman, isiping mabuti ang magiging desisyon kung sila nga ang maghahatol.

vuukle comment

GOOD CONDUCT TIME ALLOWANCE LAW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with