Dahil sa good conduct 4 drug lords, nakalaya!
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - August 31, 2019 - 12:00am

HABANG nagngangawaan pala ang taumbayan sa pag­laya ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez, tila sinamantala naman ito ng mga mapeperang bilanggo na ma­­kalaya. Susmaryusep! Kamakalawa kasi mga suki, kinumpirma ni Sen. Panfilo Lacson na nakalaya na ang apat na drug lords sa New Bilibid Prisons Bulding 14 ng Maximum Security Compound. Kinilala ni Lacson ang apat na nakalaya na sina Chan Chit Tue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum.

Sa tingin dito ni Lacson, may malalim na anomalya sa mga paglaya nito. Malaking sampal ito sa kampanya ni President Rodrigo Duterte kontra droga, kasi nga mga suki, unang tinumbok noon ni Digong na ang pinangga­galingan ng droga ay ang mga preso sa NBP kaya pinalitan lahat ang mga BuCor personnel ng mga Special Action Forces ng Philippine National Police hanggang sa mga sundalo na ang itinalaga.

Dahil malaki ang hinala ni Duterte na kontaminado na ang lahat ng mga personnel ng BuCor sa operasyon ng droga dahil nasusubuan na sila ng pera ng drug lords. Kaya sa sobrang higpit ng mga nagbabantay sa mga ito, nabawasan ng kaunti ang transaksyon ng droga mula sa Munti hanggang sa mga kontak nito sa labas. Ngunit kahit na gaano pa kahigpit ang pagbabantay sa drug lords tuloy pa rin ang operasyon kaya halos hindi na makatulog nang mahimbing ang mga pulis at maging ang mga tauhan ni PDEA Director General Aaron Aquino sa paghahanap sa pushers at users sa lahat ng sulok ng bansa. Kaya kadalasan nauuwi ito sa madugong engkuwentro na inaalmahan ngayon ng mga taga-human rights group dahil nga sa walang patid na patayan. Naging masikip na rin ang lahat ng kulungan sa buong bansa dahil nga sa walang patid na pagkakaaresto sa mga tulak at mga sugapa sa droga.

Ang masakit, dahil sa RA 10592 nagulo ang takbo sa BuCor matapos pairalin ang Good Conduct Time Allowance  (GCTA) dahil mababawasan ang taon nang pagkabilanggo at mapapaaga ang paglaya ng isang preso. Magandang programa sana ito dahil mapapalaya ang preso na nagpakatino sa loob. Subalit mukhang sinamantala ito ng ilang opisyal ng ating pamahalaan na dapat imbestigahan ng Senado at Kongreso sa lalong madaling panahon. Kasi nga marami ang isiningit sa programang ito na hindi naman dapat na pagkalooban ng ganitong benipisyo. Katulad ng karumal-dumal na kaso ni Sanchez kina Aileen Sarmenta at Allan Gomez na matapos na gahasain ang babae ay pinagpapatay ang dalawa. Minalas si Sanchez nang iutos ni President Duterte huwag itong palayain.

Ito ang naging masalimuot na usapin sa administrasyon ni Digong dahil ang pinaghihinalaan ng taumbayan ay ang pagiging malapit ni Atty. Salvador Panelo kay Presidente. Siyempre hindi rin nakaligtas sa batikos sina DOJ secretary Menardo Guevarra at BuCor chief Nicanor Faeldon dahil mga appointees sila ni Duterte. Kaya sa sobrang kasikatan ni Sanchez, may nagsamantala naman dito, ito ngang pagpapalaya sa mga convicted drug lords at mga sikat na personalidad sa BuCor. Lumalabas na isiningit sila sa 11,000 preso na mabibigyan ng prebilihiyo ng GCTA ng RA 10592.

Iba na talaga ang pera pag pinakilos, kahit sa anumang paraan ay maipapalusot ng mga gahaman sa pera. Di ba mga suki? Kayat huwag kayong kukurap sa darating na hearing ng Senado at Kongreso dahil tiyak na may lalabas dito kung sino ang nagkamal ng pera sa paglaya ng mga pusakal sa loob ng NBP. Mukhang palaban si Lacson sa pagbubulgar niya dahil sa totoo lang mga suki, malaking dagok ito sa kampanya ni President Duterte kung patuloy itong paiiralin sa drug lords at sa mga maimpluwensiyang tao na gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen. Abangan!

ANTONIO SANCHEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with