Sino ang natutuwa?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 25, 2019 - 12:00am

SINO ang natutuwa sa balitang mapapalaya na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez? Ito ang nagpasiklab sa bansa na isa siya sa higit 10,000 bilanggo na mapapalaya dahil sa “good conduct”. Ibig sabihin, mababait sila noong nakakulong. Si Sanchez ay nahatulang gulity sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, estudyante sa UP-Los Baños. Pinatay rin ang kanyang kasamang si Allan Gomez. Hindi ko na uulitin ang mga detalye ng mala-demonyong krimen na ginawa ni Sanchez at ng kanyang mga tauhan sa dalawa. Ang kanyang sentensiya ay pitong habambuhay na pagkabilanggo. Ibig sabihin, dapat siyang makulong hanggang sa kanyang natural na pagkamatay.

Pero may batas umano na kapag “mabait” habang nakakulong ay mabibigyan ng pagkakataong makalaya. At hindi lang si Sanchez. Ilang mga tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima ang mapapalaya rin habang nakakulong pa si De Lima. At paano sila naging mabait habang nakakulong? Puro kontrabando nga ang nakuha ng mga opisyal mula sa ilang bilanggo tulad ng mga TV, aircon, sound system, mga cellphone, kumpletong kusina, studio na may gamit na pang-banda at kung anu-ano pa maliban sa pera, baril at iligal na droga. Paano naging “mababait” ang mga iyan habang nakakulong?

Ayon sa website ng ABS-CBN, si Sanchez ay nahulihan ng iligal na droga na itinago sa loob ng istatwa ni Birhen Maria noong 2010. “Good behavior” ba iyan? O dahil nasa loob ng istatwa ng Birhen kaya siya “mabait”? At akala ko ba galit na galit ang administrasyong ito sa iligal na droga? Kung makalaya na si Sanchez ay sigurado ba silang hindi masasangkot muli sa iligal na droga?    

Hindi puwedeng ipatupad ang batas na iyan sa lahat. Kailangang suriin kung talagang walang bahid ang panahon ng kanilang pagkakabilanggo. At kailangan ding suriin ang kani-kanilang krimen. Ang alam ko kapag patung-patong na sentensiya para sa panghabambuhay na kulong ay hindi na puwedeng palayain. Inutos na daw ni DOJ Sec. Menardo Guevarra ang pag-review sa mga bilanggo ng “heinous crimes” tulad ng rape with homicide, multiple murder at iligal na droga.

Kung nahatulan na ngang panghabambuhay na kulong ay dapat pairalin ang hustisya. Inuulan nga ng matinding batikos ang posibleng pagpapalaya kay Sanchez at iba pa. Hindi ito ikinatutuwa ng magulang ni Eileen Sarmenta. Isang tao pa lang ang tila dumepensa sa kanyang posibleng pagpapalaya -- si Sen. Bato dela Rosa. Nagbagumbuhay na raw. Bigyan daw ng “second chance”. Ang mga na-tokhang ba ay nabigyan ng pagkakataon?

ANTONIO SANCHEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with