Hindi dapat palayain si Sanchez
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - August 24, 2019 - 12:00am

MAUUNSYAMI ang paglaya ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez dahil samu’t saring komento mula sa mga pamilya ng kanyang mga biktima at taumbayan. Lumalabas na may hokus-pokus sa paglaya ni Sanchez dahil may impluwensiyang kumukubabaw. Hindi lamang si Sanchez ang matatamaan nito dahil maging ang may 11,000 preso sa buong bansa ay makakatikim din ng hagupit ng sambayanan.

Hindi kuntento ang lahat sa pinaiiral na RA 10592. Sa kaso ni Sanchez nahatulan ito ng pitong beses na life impri­sonment noong 1995 dahil sa panggagahasa at pagpatay kina University of the Philippines-Los Baños­ students Mary Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Tinuring na karumal-dumal na krimen ang nagawa ni Sanchez kaya ang paglaya niya ay tinutulan ng samba­yanan. Tama ang batas na ipatupad ang RA 10592 su­balit hindi umano sa katulad ni Sanchez dahil naging ma­rangya ang buhay nito sa bilibid. Nadamay naman sa intriga si Presidential Spokesman Salvador Panelo dahil dati siyang abogado ni Sanchez. Hehehe!

Itinanggi naman ito ni Panelo dahil matagal na siyang bumitaw kay Sanchez matapos na mahatulan. Ngunit ma­panghusga ang ilang kababayan at ang hinala nila na naimpluwensiyahan ang kaso. Si Sanchez ay nakulong ng 26 na taon at sa pagkuwenta ng Bureau of Correction (Bucor), sapat na ito dahil sa ipinakitang kabutihan.

Ngunit ayon sa nakararami, hindi pa dapat palayain si Sanchez dahil bukod-tangi ang kanyang kaso. Natatakot din ang mga kaanak ng mga biktima dahil kapag nakalabas si Sanchez maaari silang balikan. Susmaryusep! Nasangkot din si Sanchez sa ilegal na droga kung saan nahulihan siya ng shabu sa kanyang selda tatlong taon na ang nakakalipas.

Paano nga naman siya mapapasama sa hanay ng good behaviour kung nasangkot siya sa droga na numero unong kinapopootan ni President Duterte? Hari siya sa piitan at buhay marangya. Ayon sa mga nakausap ko, naka-aircon ang kanyang selda at napapaligiran ng imahe ni Birhen Maria. Mayroon siyang  cell phone at television.

Kamakalawa, sa isang TV newscast, nakita siyang naglalakad sa labas ng kanyang selda na may taga-payong pa. Kaya hinala nang marami may impluwensiya ngang nagaganap para mapadali ang kanyang paglaya. Hindi tuloy mawala sa intriga sina DOJ sec. Menardo Guevarra, Panelo at BuCor chief Nicanor Faeldon dahil appointees sila ni President Duterte. Subalit halos magkahalintulad ang kanilang pahayag na wala silang kinalaman dito.

Ang RA 10592 ang umiral sa kaso ni Sanchez at  hindi lang ito ang mabibigyan ng ganitong trato dahil libu-libo ang makikinabang. Ang tanong, bakit napasama si Sanchez gayung karumal-dumal ang kanyang ginawa? Sa ngayon nagkukumahog ang Senado sa pangunguna ni Senate President Tito Sotto na balangkasin ang batas. Abangan.

ANTONIO SANCHEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with