Inilagay lamang?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 23, 2019 - 12:00am

SINITA ng Commission on Audit (COA) ang kontrata ng Kaliwa Dam Project kung saan ang dalawang nakalistang tumawad sa nasabing proyekto ay inilagay lamang para makapasa sa kundisyon ng gobyerno hinggil sa pagbigay ng kontrata sa mga kompanya. Ayon sa COA, ang ibinigay na tawad ng isang kompanya ay mas mataas pa sa itinalagang halaga ng gobyerno para sa proyekto. Ang isa naman ay inaprubahan kahit kulang ang rekisitos para magbigay ng tawad sa proyekto. Kaya nanalo ang isa sa tatlong kontraktor na taga-China. Niluto ba ang pagsubasta sa proyekto para mapaboran ang nanalong kontraktor? Nagtatanong lang.

Pag-aaralan daw ng Palasyo ang kontrata. Dapat lang. At sana naman, hindi magalit, o magbiro na naman si President Duterte sa COA, kung saan dapat “ihulog sa hagdan”. Trabaho ng COA na suriin ang gastusin ng gobyerno. Ang COA ang nagbabantay kung paano ginagastos ang pera ng bayan, kaya dapat silang suportahan. Ayaw talagang mawalan ng isyu ang proyektong ito. Bakit kaya? Kung hindi mga kumokontra sa paglikha ng dam sa naturing na ilog, ngayon ay ang kontrata na mismo ang may isyu. Hindi tuloy masamang isipin kung ganito rin ang ginawa para sa ibang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build para matuloy lang. Wala namang isyu kung maganda ang proyekto. Pero kung ganyang tila inayos na lang para makapasa sa mga naka­saad sa batas, mali pa rin iyan. Diyan nga nagmumula ang korapsyon, kapag hindi na nasusunod ang batas, hindi ba?

Hindi rin puwedeng ikatwiran na mas malaki ang bene­pisyo ng proyekto kaysa sa pagsunod sa batas. Kung laging ganyan ang pangangatwiran, ano ang silbi ng batas? Ang batas ba ay kailangang sundan kapag pabor lang sa ilang tao? Ito ang mga dapat tinatanong sa tuwing may mga proyektong ganyan.

COMMISSION ON AUDIT
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with