EDITORYAL - Gov’t officials na may kasong graft, humanda na!
(Pilipino Star Ngayon) - August 23, 2019 - 12:00am

NOON pa man, marami na ang nagmumungkahi na ang sinumang opisyal ng gobyerno na naakusahan ng graft and corruption ay hindi na dapat paya­gang makaupo sa anumang posisyon. Kung ang isang opisyal ng gobyerno ay may naka-pending na kaso ng katiwalian, nararapat lamang na hindi siya paupuin o kung nakaupo na, dapat siyang paalisin kara-karaka. Hindi siya nararapat sa anumang posis­yon sa gobyerno sapagkat ang isang nagtatrabaho sa gobyerno ay nararapat maging salamin ang kanyang pagkatao. Dapat maging magandang halimbawa ang opisyal ng gobyerno. Walang bahid-dungis ng katiwalian.

Sa hinaharap, maaaring magkaroon na ito ng kato­tohanan. Isang panukalang batas ang sinusulong sa House of Representatives para hadlangan na maupo sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno na may kasong graft at kahit ito ay naka-apela pa. Agaran­ siyang paaalisin at hindi na maaari pang maka­pagtrabaho sa anumang sangay ng pamahalaan.

Ito ang nilalaman ng House Bill 92 na isinusulong ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento. Ayon sa panukala, lahat nang elective at appointive officials na nahatulan ng graft and corruption ng Sandiganbayan ay agad hahadlangan na makapagtrabaho sa anumang pampublikong tanggapan.

Ayon kay Sarmiento, naniniwala siya na kung mahahadlangan ang mga government officials na may kasong graft, matutupad ang nais ng kasalukuyang administrasyon na mawalis ang mga corrupt sa bureaucracy. Sabi pa ni Sarmiento, masyadong malambot ang batas at hinahayaan ang mga opis­yales na makaupo sa puwesto sa kabila na ang mga ito ay na-convict na sa katiwalian.

Kapag naipasa ang panukala, masususugan ang kasalukuyang election law na awtomatikong magdi-disqualify sa mga kandidatong may kaso o naka­sampang kaso hindi lamang sa katiwalian kundi sa iba pang krimen. Kahit umano naka-apela ang kaso, hindi papayagan ang kandidato na makatakbo o ang sinumang opisyal na makaupo sa puwesto.

Noong 2015, nag-file na rin ng ganitong panukala ang namayapang Sen. Miriam Defensor Santiago na nagbabawal sa mga convicted plunderer na makapagtrabaho sa gobyerno kahit pa ito ay na-pardon na. Hindi naaprubahan ang panukala.

Ngayong talamak ang katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan gaya sa Customs, BIR, PCSO, Immigration, PhilHealth, at iba pa, nararapat suportahan ang HB 92 ni Rep. Sarmiento. Ito ang nararapat sa mga korap!

GRAFT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with